Bulacan

Truck driver pinatay habang pauwi kasama dyowa

Bernard Galang Nov 30, 2025
393 Views

SAN MIGUEL, Bulacan – Isang 33-anyos na truck driver ang binaril at napatay noong tanghaling tapat ng Sabado sa Barangay Sta. Ines sa bayang ito.

Sa ulat kay Police Regional Office 3 Director Brig. Gen. Ponce Rogelio Penones Jr., kinilala ng pulisya sa Bulacan ang biktima na residente rin ng naturang barangay.

Sa paunang imbestigasyon, naglalakad pauwi ang biktima kasama ang kanyang live-in partner nang biglang salakayin ng isang hindi pa nakikilalang salarin.

Ayon sa mga saksi, ang suspek ― na nakasuot ng kulay abong jacket at dilaw na helmet at nakasakay sa puting Honda Beat na motorsiklo ― ay naghihintay na sa kanto papunta sa bahay ng biktima.

Paglapit ng biktima at ng kanyang kinakasama, pinaputukan ng ilang ulit ang biktima bago tumakas ang suspek patungo sa direksyon ng DRT, Bulacan.

Nagtamo ang biktima ng maraming tama ng bala na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Patuloy ang follow-up operation ng pulisya para matukoy at madakip ang suspek.

Naglabas na rin ang pulisya ng flash alarm sa mga karatig na istasyon upang makatulong sa paghahanap sa salarin.