Calendar
PCSO numero unong GOCC, nakatanggap ng maraming awards
NANGUNA ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Governance Commission for GOCCs (GCG) performance evaluation award, matapos makapagtala ng higit sa 100 percent performance score para sa taong 2024.
Sa seremonya ng parangal para sa mga government-owned and -controlled corporations (GOCCs) na inorganisa ng GCG sa Lungsod ng Parañaque noong Lunes, nalampasan ng PCSO ang iba pang nangungunang GOCCs na kinilala para sa kanilang kahusayan, na nagpapakita ng pagsisikap ng ahensiya tungo sa pananagutan, mabuting pamamahala, at mas pinahusay na serbisyong nakasentro sa mamamayan.
Ginawaran ng GCG ang PCSO ng pinakamataas na performance rating na 100.63 percent, na tinalo ang iba pang GOCCs na tumanggap din ng parangal.
Kabilang sa mga ito ang Mactan-Cebu Airport Authority na pumangalawa na may 100.16 percent at PAGCOR na pumangatlo na may 99.92 percent.
Tumanggap din ng parangal ang Clark International Airport Corporation, Landbank of the Philippines, Landbank Countryside Development Foundation Inc., Metropolitan Waterworks and Sewerage System-Regulatory Office, National Tobacco Administration, at Social Security System.
Batay ang naturang scoring sa pangako ng PCSO sa kahusayan sa operasyon, transparency, at pagbibigay ng makabuluhang serbisyo publiko sa mga Pilipino sa buong bansa.
Ipinakita ng 2024 score ng PCSO ang matatag na performance nito sa lahat ng pangunahing indikador na itinakda ng GCG, gaya ng social impact, patuloy na paglago ng kita, kahusayan sa koleksyon, paggamit ng badyet, kasiyahan ng kliyente, pagpapahusay ng proseso, ISO certification, pag-unlad ng human resources, pagsulong sa teknolohiya, at iba pa.
Hindi lamang nakamit ng ahensiya ang mga target nito nang halos perpekto, kundi nakakuha rin ng karagdagang puntos para sa ganap na pagsunod sa Republic Act No. 9710, o Magna Carta of Women, sa pamamagitan ng kanyang Gender and Development (GAD) programs.
Ang dagdag na puntos para sa mas malawak na pangako ng PCSO sa gender-responsive governance ang dahilan kung bakit lumampas sa 100 percent ang final rating nito.
Tinanggap ang 2024 award nina PCSO Chairman Felix Reyes, General Manager Melquiades A. Robles, at mga miyembro ng PCSO Board of Directors sa seremonya ng pagkilala ng GCG.
“There is no greater motivation a government agency can have than putting its heart and soul into charity and public service. But this recognition inspires us more to work even harder and uphold a culture of excellence in serving the people,” ani Robles.
Lalong pinagtibay ng pagkilalang ito ang pag-angat ng performance ng PCSO sa nakaraang mga taon. Mula sa rating na 56.3 percent noong 2021; umakyat ito sa 92.03 percent noong 2022 at ginawaran bilang Most Improved GOCC; at noong 2023, kinilala rin ang ahensiya bilang isa sa Top 10 GOCCs na may score na 98.01 percent.
Nauna nang nakamit ng PCSO ang 2024 Gender and Development Award mula sa Philippine Women’s Commission. Kinilala rin ito bilang First Runner-Up sa Freedom of Information (FOI) Champion Awards sa ilalim ng GOCC category.
Dahil sa kahanga-hangang performance ng ahensiya, kinilala rin ng Governance Commission si Robles bilang isa sa tatlong Leadership Award Finalists para sa 2024.
Kasabay ng mga tagumpay na ito, patuloy na naghahatid ang PCSO ng malawak na serbisyong publiko sa pamamagitan ng mga pangunahing programa nito, kabilang ang Patient Transport Vehicle Distribution para mapalawak ang access sa pangangalagang pangkalusugan, Medical Assistance Program na tumutulong sa libo-libong pasyente na may kritikal na pangangailangan, Medical Equipment Donation Program para mapahusay ang kapasidad ng mga ospital, at tuloy-tuloy na relief operations at disaster response efforts para sa mga komunidad na apektado ng kalamidad.
Ang mga inisyatibang ito ay sumasalamin sa dedikasyon ng PCSO na itaas ang antas ng pamumuhay ng mga pamilyang Pilipino at matiyak na ang kita nito ay patuloy na maisasalin sa suportang makabuluhan at life-changing sa buong bansa.

