Calendar
Matapang na hinarap ni Majo Marcos ang ICI, pinahintulutan paglabas ng video ng kaniyang testimonya
MATAPANG na hinarap ni House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) nitong Huwebes.
Pinahihintulutan rin ni Majo Marcos ang komisyon na ilabas ang video ng kaniyang testimonya at binigyang-diin na wala siyang itinatago, kahit pa humiling siya ng executive session para lamang maprotektahan ang integridad ng imbestigasyon — hindi ang kaniyang sarili.
Muling iginiit ni Marcos na ang pangunahing layunin niya ay tiyakin ang integridad ng fact-finding process — kahit malinaw niyang sinabi na bukas siya sa lubos na pagsisiyasat ng publiko, maliban na lamang kung may bahagi ng kaniyang testimonya na, ayon sa komisyon, maaaring makasagabal sa kanilang patuloy na pagsisiyasat.
“Binigyan ko ang ICI ng buong kapangyarihan na ilabas ang video ng aking testimonya kung sa tingin nila ay nararapat — kung naniniwala silang walang impormasyon doon na maaaring makapinsala sa kanilang imbestigasyon,” sabi ni Marcos.
Nauna na niyang sinabi, “Wala akong kasalanan,” habang mariing tinatanggihan ang mga alegasyong inuugnay siya sa umano’y iregularidad sa mga flood-control project.
Binigyang-diin naman ng kaniyang abogado na si si Atty. Michelle Lazaro ang dahilan sa likod ng kahilingan para sa executive session, partikular na ang pangangailangang protektahan ang imbestigasyon ng komisyon.
“May mahahalagang impormasyon na maaaring lumabas mula sa kaniyang testimonya na maaaring makapinsala o makakompriso sa karagdagang imbestigasyon ng komisyong ito,” paliwanag ni Lazaro, na nagsabing ang walang limitasyong paglalantad sa publiko ay maaaring magbigay-babala sa mga taong mino-monitor o makasira sa maselang proseso ng pangangalap ng ebidensiya.

