Isko1

Yorme nagpasalamat kina Pangulong Marcos, Recto sa utos ng pagbabayad ng gratuity pay sa JO, COS

Edd Reyes Dec 13, 2025
212 Views

NAGPASALAMAT si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at Executive Secretary Ralph Recto sa inilabas na Administrative Order No. 39 na nagpapahintulot sa one-time gratuity pay na hanggang P7,000 para sa mga job order (JO) at contract of service (COS) ng pamahalaan.

Sa ginawang pagbisita ng Pangulong Marcos, Jr. sa Baseco noong Nobyembre 27, personal na inirekomenda ng alkalde ang pangangailangan sa mabilis na paglalabas ng utos dahil makakatulong kaagad ito sa libo-libong JO at COS na mga kawani.

“Malaking tulong po ito sa ating mga JO at COS, especially those who quietly keep our city running every day. Maraming salamat po kay Pangulong Marcos at Executive Secretary Recto for acting quickly on this, because many of them rely on this support, especially during the holiday season,” pahayag ni Mayor Isko Moreno.

Sa ilalim ng kautusan, lahat ng mga JO at COS na nakapaglingkod sa gobyerno ng apat na buwan hanggang Disyembre 15, 2025 ay makakatanggap ng P7,000 gratuity pay habang ang mga hindi umabot sa apat na buwan ay makakatanggap lang ng ayon sa proporsiyong halaga.

Sakop ng kautusan ang mga kawani ng mga ahensiya ng pamahalaan, state universities and colleges, government-owned or -controlled corporations, at local water districts, habang hinihikayat din nito ang mga lokal na pamahalaan na magpatibay din ng katulad na mga pamamaraan sa pagbibigay ng gratuity pay, gamit ang lokal nilang pondo.