Edd Reyes

Turismo lalong uunlad sa tulong ng mga LGU

Edd Reyes Dec 17, 2025
262 Views

SIGURADO na palang masagana ang Pasko ng tatlong hari na nagbibigay daw ng basbas sa mga operator ng mga mini carnival sa lalawigan ng Bulacan at Pampanga para latagan ng mga mesa ng ilegal na sugal ang kanilang mga peryahan.

Kasi ba naman, kung ano-anong unit pala ng kapulisan ang isinasangkalan nitong sina alyas “Jaymar”, “Parak”, at “Rogie” na kailangan daw nilang bigyan ng tara para hindi magsagawa ng operasyon laban sa mga ilegal na sugal.

Kaya lang, may operator na nakatuklas, na ang malaking bahagi raw ng P200,000 na lingguhan nilang koleksiyon ay sa kanilang bulsa lang umano napupunta dahil karamihan sa mga ipinangongolektang unit ay wala naman palang kapangyarihang magsagawa ng police operation o ang tawag sa kanilang unit ay “patay-butas”.

Ang nangyari tuloy, maraming mga operator ang umatras at hindi na nakipagsapalarang maglatag ng ilegal na sugal sa sa loob ng kanilang mini carnival sa pangambang mabuking ng unit na ipinangongolekta nila at mapilitang magsagawa ng operasyon laban sa ilegal na sugal.

Sakop nga pala ng Police Regional Office (PRO) 3 ang Bulacan at Pampanga kaya kapag nalaman ito ni P/BGen. Ponce “Pojie” Rogelio Penones, aba’y lagot at tiyak na may kalalagyan ang tatlong hari.

Mga LGUs, dapat tumulong sa pagpapaunlad ng turismo

PANAHON na upang gumawa ng hakbang ang mga lokal na pamahalaan para paunlarin ang industriya ng turismo sa kani-kanilang lugar dahil mas pinipili pa ng marami na bumisita sa ibang bansa na mas mura ang gastos kumpara sa pagpunta sa mga tourist spot sa bansa.

Tulad ng ginawa ng Munisipalidad ng Mabini, Batangas at Lungsod ng Navotas na pumasok sa kasunduan, hindi lang para mapalakas ang industriya ng turismo, kundi magpalitan ng kaalaman sa pangangalaga sa kapaligiran, paghahanda sa sakuna at maayos na pamamahala.

Ayon kina Navotas Mayor John Rey Tiangco at Mabini Mayor Noel Luistro, bukod sa maitataguyod nito ang kanilang kultura at yamang dagat, masusuportahan din nito ang maliliit nilang negosyanteng nakatuon sa pangingisda at iba pang industriya sa baybayin na isang hakbang tungo sa malalim na pagkakaibigan, mabuting kalooban, at pagbabahagi ng pag-unlad ng kanilang mga kababayan.

Mga paraan para maging matagumpay ang mga batang mag-aaral

HINDI lang ang kahusayang pang-akademiko ang susi ng tagumpay ng mga mag-aaral kundi ang pangangalaga na maging produktibo at pagiging mabuting tao, pati na rin ang responsibilidad na gagampanan ng kanilang pamilya, paaralan, pamahalaan at iba pang grupo.

Ganito ang buod ng talumpati ni Mayor Johan Rey Tiangco nang maimbitahan sa ginanap na Education Summit kamakailan sa Navotas kung saan binanggit din niya ang mas mahusay na pagganap ng mga estudyante ng lungsod sa nakalipas na National Achievement Test (NAT).

Binanggit din ni Mayor Tiangco ang kanilang inisyatiba para mapalakas ang maagang pagkatuto at kapakanan ng mga bata kabilang ang programang Kindergarten on Wheels, 27 mga Early Childhood and Development Centers, pati na ang pagrerehistro sa mga bata sa Yaman ng Kalusugan o YAKAP Program.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com