Suspek

Rider grinipuhan dahil sa tambutsong maingay, agaw-buhay

Edd Reyes Dec 26, 2025
340 Views

KRITIKAL ang 23-anyos na rider nang pagsasaksakin ng dalawang nakaalitang lalaki dahil sa maingay na tambutso ng motor nitong araw ng Pasko sa Muntinlupa City.

Kaagad na naisugod ng mga nagmalasakit na residente sa Ospital ng Muntinlupa ang biktimang si alyas “Jon Prix” na kasalukuyang ino-obserbahan pa sa mga tinamong tama ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Nadakip naman kaagad sa follow-up operation ng mga tauhan ni P/Col. Robert Domingo, hepe ng Muntinlupa City Police Station ang mga suspek na sina alyas “Raymond” 26, at alyas “Jerome”, 20, na kapuwa tumangging magsalita sa ginawang pananaksam sa biktima.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nag-ugat ang pananaksak ng mga suspek sa biktima na naganap Huwebes ng umaga sa Brgy. Tunasan, matapos ang kanilang pagtatalo hinggil sa maingay na tambutso ng motorsiklo.

Pinapurihan naman ni Southern Police District (SPD) District Director P/BGen. Randy Arceo ang mga tauhan ng Tunasan Police Sub-Station-1 dahil sa ginawang mabilis na aksiyon na nagresulta sa agarang pagkakadakip sa mga suspek.