MPD

Isyu sa paputok pag-uusapan ng MDSW, MPD station commanders

Edd Reyes Dec 29, 2025
544 Views

MAKIKIPAGPULONG ang Manila Department of Social Welfare (MDSW) sa dalawang station commanders ng Manila Police District (MPD) kasunod ng pagkasawi ng 12-anyos na bata at pagkakasugat ng isa pang 12-anyos na bata ng sumabog ang iniipon nilang paputok noong Linggo sa Lorenzo St., Tondo.

Sinabi ni Jay Dela Fuente, MDSW director, na bukod sa tulong at psychosocial support sa mga pamilya ng nasawi at nasugatan, makikipag-ugnayan din sila sa mga barangay at pulis upang masaway ang mga batang humahawak ng paputok at mailayo sila sa panganib.

Bukod sa commander ng Station 7, kakausapin din ng hepe ng MDSW ang station commander ng Police Station 1 na nakakasakop sa malaking bahagi ng distrito ng Tondo.

Iniutos ni Manila Mayor Isko Moreno na bigyan ng P25,000 na tulong ang pamilya ng namatay na bata para magamit sa pagsasaayos ng bangkay ng nasawi at P10,000 naman sa pamilya ng batang nasugatan.

Sasagutin ng Ospital ng Tondo ang lahat ng gastos sa pagpapagamot sa bata.