Calendar
Safety measures mahigpit na ipinapatupad sa Bulkang Mayon
BUNSOD ng pagtaas ng alert level status ng Bulkang Mayon at ng nakaambang panganib na maaaring idulot ng posibleng pagputok nito, sinimulan na ang paglilikas sa ilang mga pamilyang naninirahan sa may paanan ng bulkan.
Apat na pamilya na binubuo ng 16 katao mula sa Barangay Muladbucad, Guinobatan, Albay, ang boluntaryong lumikas at nakitira muna sa kanilang mga kamag-anak na nasa ligtas na pook sa gitna ng patuloy na pag-aalboroto ng bulkan, ayon sa mga report.
Ito’y kasunod ng mahigpit na direktiba ni acting Regional Director PBGen. Erosito N. Miranda sa Albay Police Provincial Office (PPO) sa pamumuno ni PCol. Noel Nuñez na tiyaking ganap at walang pag-aatubiling maipapatupad ang pagbabawal sa presensiya ng mga mamamayan sa loob ng 6-kilometer permanent danger zone (PDZ) ng bulkan.
Ang kautusang ito ay alinsunod sa opisyal na abiso ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO), na mariing nagbabawal sa pag-akyat, pagpasok at pananatili ng sinuman — kabilang ang mga residente, turista, mountaineers, tour guides at iba pang indibidwal — sa mga pook-pasyalan at mga lugar na malapit sa Bulkang Mayon.
Binigyang-diin ng APSEMO na ang PDZ ay itinuturing na lubhang mapanganib sa lahat ng oras dahil sa banta ng lava flow, pyroclastic density currents, rockfall at ashfall.
Bilang bahagi ng pinaigting na mga hakbang sa kaligtasan, inatasan ang kapulisan na higpitan ang pagbabantay sa kabuuan ng Bulkang Mayon, partikular sa mga kilalang access points, trail at mga rutang madalas daanan ng mga umaakyat.
Magtatatag ng chokepoints, checkpoints at regular na patrols upang matiyak na walang makakapasok o makakaakyat sa mga ipinagbabawal na lugar.
Ang sinumang mahuhuling lalabag sa kautusan ay maaaring maharap sa kaukulang parusa alinsunod sa umiiral na mga batas at lokal na ordinansa.
Bukod dito, patuloy ang malapit na koordinasyon ng Philippine National Police (PNP) sa mga lokal na pamahalaan, APSEMO, Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP) at iba pang concerned agencies upang mapanatili ang kaayusan, masiguro ang kaligtasan ng publiko, at maging handa sa agarang pagresponde sakaling magkaroon ng biglaang pagbabago sa aktibidad ng bulkan.
Bahagi rin ng pagiging handa ng PNP Bicol ang Reactionary Standby Support Force sa RHQ, Albay PPO at lahat ng nakapalibot na istasyon ng pulis sa Mayon Volcano, kabilang ang mga mobile force, upang matiyak ang kahandaan at agarang deployment kung kinakailangan.
Hinihikayat ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad, sumunod sa mga babala at advisories, at iwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon. Ang kaligtasan ng bawat isa ang pangunahing layunin ng pamahalaan sa gitna ng patuloy na pagbabantay sa Bulkang Mayon.

