Calendar
Deputy Minority Leader Antonio Tinio,
Navotas Rep. Toby Tiangco
Tinio binira sinabi ni Tiangco sa impeachment ni VP Sara na ‘DDS logic’
BINATIKOS ni Deputy Minority Leader Antonio Tinio nitong Martes si Navotas Rep. Toby Tiangco dahil sa pagtangging pumirma sa posibleng bagong reklamong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte maliban na lang kung may mahuhuli munang “big fish,” na tinawag niyang pamilyar na linya ng matitinding tagasuporta ni Duterte.
Sinabi ni Tinio ng ACT Teachers Party-list na ang posisyong kinuha ni Tiangco ay tila sumasalamin sa talking points na madalas gamitin upang ipagtanggol si Duterte laban sa pananagutan.
“’Yung mga ganyang argumento ay argumento ng rabid DDS supporters na ginagamit ang flood control issue bilang pandepensa sa Bise Presidente,” aniya.
“Ibig bang sabihin, dapat kalimutan na lahat ng mga issue ng corruption? In the first place, hindi maliit na bagay ’yung kinakaharap ng Bise Presidente,” saad ni Tinio.
Binigyang-diin ng mambabatas mula ACT Teachers na ang pananagutan ay hindi dapat nakabatay sa kaginhawaan sa politika, o sa katayuan ng ibang personalidad na sangkot sa hiwalay na kontrobersiya.
“Kahit ano pang sabihin mo, kung kinurakot ’yan, dapat panagutan,” giit ni Tinio.
Idinagdag niya na ang mga alegasyon ng korapsyon na kinasasangkutan ng matataas na opisyal ay dapat seryosohin, at ang bigat ng paratang laban sa Bise Presidente ay nangangailangan ng masusing imbestigasyon at posibleng pag-usig.
Ayon kay Tinio, hindi maaaring ipikit ng Kongreso ang mata dahil lamang sa kalkulasyong pampulitika, at iginiit na ang mga umano’y iregularidad — kahit sino pa ang sangkot — ay dapat harapin nang direkta para sa kapakanan ng pampublikong pananagutan.

