Senate

Iginagalang ng Kamara desisyon ng SC sa impeachment ni VP Duterte

152 Views

NOONG Huwebes, kinilala at iginalang ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang desisyon ng Korte Suprema hinggil sa kasong impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte, at binigyang-diin ang pangangailangan ng pag-iingat at katapatan sa mga prosesong itinatakda ng Konstitusyon.

Sinabi ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na kinikilala ng Kamara ang pasya ng Mataas na Hukuman kaugnay ng Articles of Impeachment na inihain laban sa Bise Presidente, at iginiit na ang impeachment ay isang prosesong malinaw na itinatakda ng Konstitusyon at may tiyak na pamantayan.

“Kinikilala ng Kapulungan ng mga Kinatawan ang desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte,” ani Dy.

Binigyang-diin din niya na ang impeachment ay may kaakibat na mabigat na pananagutan na ipinagkatiwala ng sambayanang Pilipino sa mga mambabatas.

“Ang impeachment ay isang prosesong malinaw na itinatakda ng Konstitusyon at may tiyak na pamantayan. Mahalaga ang pag-iingat sa proseso ng impeachment—isang pananagutang kaakibat ng mandatong ipinagkatiwala sa atin ng sambayanang Pilipino,” dagdag niya.

Samantala, sinabi ni Senior Deputy Speaker Ferdinand L. Hernandez na isinasaalang-alang ng Kamara ang desisyon ng Korte Suprema na nagresolba sa mosyon para sa muling pag-isip (motion for reconsideration) kaugnay ng kasong impeachment.

“Isinasaalang-alang ng Kapulungan ng mga Kinatawan ang kamakailang desisyon ng Korte Suprema ng Pilipinas na nagresolba sa mosyon para sa muling pag-isip kaugnay ng kasong impeachment na kinasasangkutan ni Vice President Sara Duterte,” ani Hernandez.

Muli niyang iginiit ang paggalang ng Kamara sa hudikatura bilang kapantay na sangay ng pamahalaan.

“Bilang isang kapantay na sangay ng pamahalaan, lubos na iginagalang ng Kamara ng mga Kinatawan ang Korte Suprema bilang pinal na tagapagpasya sa mga usaping konstitusyonal,” ani Hernandez. “Ang paggalang na ito ay nakaugat sa aming magkatuwang na pangako sa pananaig ng batas, paghihiwalay ng kapangyarihan, at maayos na paggana ng mga institusyong demokratiko.”

Dagdag pa ni Hernandez, patuloy na ginagabayan ang Kamara ng mandato nito sa ilalim ng Konstitusyon.

“Ang Kapulungan ng mga Kinatawan ay nananatiling ginagabayan ng mandato nito sa Konstitusyon at muling pinagtitibay ang pangako nito sa pagtataguyod ng mga demokratikong prinsipyo, paggalang sa mga institusyon, at pananaig ng batas,” ani Hernandez.