Barbers

Heroes burial sa Libingan ng mga Bayani para sa mga pumanaw na atleta sinusulong

Mar Rodriguez Aug 19, 2022
250 Views

NAIS ng isang Mindanao solon na magkaroon ng “heroes burial” sa Libingan ng mga bayani para sa mga pumanaw na bayaning atleta bilang pagkilala sa kanilang hindi matatawarang kontribusyon na nagbigay ng karangalan sa bansa sa larangan ng “sports”.

Ito ang nakapaloob sa House Bill 3716 na isisnulong ni Surigao del Norte Cong. Robert Ace Barbers sa Kamara de Representantes upang mabigyan ng pagkakataon ang mga namayapang bayaning atleta na mailagak sa Libingan ng mga Bayani bilang pagkilala sa kanilang kagitingan bilang mga atleta.

Binigyang diin ni Barbers na ang mga atleta ay mistulang mga ‘sports stars” dahil maraming Pilipino ang humahaga sa kanila sa mga pagkakataong nakakamit nila ang tagumpay base sa kanilang “accomplishments” kung kaya’t nararapat lamang na suklian ang kanilang naiambag para magbigay ng karangalan para sa bansa.

“Sports stars become heroes when they are admired for their athletic accomplishments. As a society, we yearn to feel a connection to them. Bask in their success and pattern our lives after them,” ayon kay Barbers na malaki ang paghanga sa mga Bayaning atleta.

Sinabi pa ni Cong. Barbers na ang mga Pilipinong atleta ang ginagawang inspirasyon ng mamamayan at lakas sa mga pagkakataon na pinaghihinaan sila ng loob at nahaharap sa isang personal na suliranin. Kung kaya’t ang mga nasabing atleta ang kanilang ginagawang modelo.

Samantala, iginiit naman ni Leyte 4th Dist. Cong. Richard I. Gomez sa Philippine Sports Commission (PSC) na payagan na nilang mag-training o makapag-sanay sa Rizal Memorial Stadium at Philippine Sports Complex sa Pasig City ang mga atleta ng “National Team” na lalahok sa napipintong 32nd South East Asian (SEA) Games sa 2023.