Dy

Mga dumalo sa konsultasyon ng Kongreso pinasalamatan ni Speaker Dy

Mar Rodriguez Feb 24, 2026
113 Views

NAGPASALAMAT si House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III sa mga Pilipinong lumahok sa mga konsultasyon para sa panukalang Anti-Political Dynasty Bill.

Ang mga ginanap ng public consultation ay inorganisa ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms na pinamumunuan ni Lanao de Sur Rep. Zia Alonto Adiong.

Ginanap sa Cavite City, Cebu City at Cagayan de Oro City ang mga consultation na dinaluhan ng mga estudyante, civil society groups, mga lokal na opisyal, propesyonal at karaniwang mamamayan.

“Sa lahat ng nakilahok sa mga konsultasyon ng Anti-Political Dynasty Bill sa Cavite, Cebu, at Cagayan de Oro—taos-puso po kaming nagpapasalamat,” pahayag ni Speaker Dy.

Pinagsasama-sama ng nasabing Komite ang 24 na nakabinbing panukalang batas ukol sa Anti-Political Dynasty kabilang dito ang House Bill No. 6771 na inihain nina Speaker Dy at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos na naglalayong tukuyin ang mga ipinagbabawal na ugnayang pampamilya at magtakda ng mga limitasyon sa paghawak ng halal na posisyon.

“Maaaring hindi tayo magkasundo sa bawat probisyon. Maaaring hindi tayo magkapareho ng pananaw sa bawat detalye.

Ngunit ang katotohanang kaya nating umupo, makinig sa isa’t-isa, at makipagtalakayan nang may paggalang iyan ang demokrasya sa pagkilos,” ayon kay Dy.

Inilarawan ng House Speaker na ang mga talakayan bilang may lalim at nakaugat sa tunay na karanasan.