Calendar
NHA nagbigay ng P9.1M ayuda sa 910 pamilya sa Tawi-Tawi
AABOT sa 910 pamilya sa Brgy. Lamion, Bongao, Tawi-Tawi na naabo ang mga bahay dahil sa sunog ang nakatanggap kamakailan ng tulong pinansyal mula sa National Housing Authority (NHA) sa pamamagitan ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP).
Sa ilalim ng pangangasiwa ni NHA General Manager Joeben Tai, ibinigay ng NHA ang P9.1 milyong cash grant sa seremonya sa MBHTE gym sa Bongao.
Ang bawat pamilya ay nakatanggap ng P10,000 ayuda para sa pagkukumpuni ng kanilang mga nasirang tirahan.
Ang bawat benepisyaryo ay na-screen at na-verify gamit ang data mula sa municipal government unit ng Bongao.
“Sa direktiba ng ating mahal na Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang NHA po ay may nakalaang pondo para sa EHAP upang makapaghandog kami ng tulong pinansyal sa mga naging biktima ng sakuna at kalamidad.
Ito po ay para makatulong kami sa kanilang pagbangong muli at mabigyan sila ng pag-asa sa buhay,” sabi ni GM Tai.
Nagpasalamat sa NHA ang mga natulungan sa kanilang mga pangangailangan.
Ayon sa kanila, ang tulong pinansyal ay isang malaking kaluwagan upang matulungan silang magsimulang-muli at muling maitayo ang mga tahanan para sa kanilang mga pamilya.
Ang EHAP ay naglalayong magbigay ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng iba’t-ibang kalamidad gaya ng sunog, bagyo, lindol, pagguho ng lupa at baha.
