Ortega Deputy Speaker Paolo Ortega V

Ortega gustong imbitahan ex-Deputy Ombudsman Carandang sa VP Sara impeach hearings

113 Views

HINIMOK ni Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union ang House committee on justice na isaalang-alang ang pag-imbita kay dating Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang para mag-testify bilang resource person sa patuloy na deliberasyon sa impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte ― lalo na sa mga isyung may kinalaman sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at umano’y hindi maipaliwanag na yaman.

“Former Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang was directly involved in high-level investigations that required examining bank transaction records, including those obtained from the Anti-Money Laundering Council (AMLC) in connection with the financial transactions of former President Rodrigo Roa Duterte and accounts reportedly linked to members of his family, including VP Sara,” pahayag ni Ortega.

“His experience in handling those kinds of financial documents can help the committee better understand how investigators evaluate bank records alongside SALN disclosures,” dagdag niya.

Naglingkod si Carandang bilang overall deputy ombudsman mula 2013 hanggang 2019 at kabilang sa senior officials sa Office of the Ombudsman na may hawak ng malalaking imbestigasyon ukol sa katiwalian.

Naging sentro siya ng pambansang atensiyon noong 2017 nang kumpirmahin niya na ang Ombudsman ay may nakuhang bank transaction records mula sa AMLC bilang bahagi ng imbestigasyon kaugnay ng plunder complaint na inihain ni dating Senador Antonio Trillanes IV laban kay dating Pangulong Duterte at sa mga miyembro ng pamilya nito.

Dahil dito, nagkaroon ng political controversy at administrative complaints na inaakusahan si Carandang ng pagsiwalat ng mga kumpidensiyal na bank information.

Noong 2018, iniutos ng Malacañang ang kanyang pagpapatalsik sa serbisyo dahil sa umano’y misconduct at paglabag sa confidentiality rules ― isang desisyong na-affirm ng Office of the President noong 2019.

Ayon kay Ortega, na endorser ng ikaapat na impeachment complaint laban sa Bise Presidente, makatutulong sa fact-finding ng komite ang expert testimony ng mga opisyal na may karanasan sa high-level na imbestigasyon ng katiwalian.

“Financial investigations are technical. They involve examining asset declarations, financial documents and bank records. Someone with experience in conducting these investigations can help the committee understand how such evidence is evaluated,” aniya.

Ang ikaapat na complaint ay kabilang sa dalawang natitirang reklamo laban kay Duterte, at naglalaman ng mga alegasyon ng graft and corruption, bribery, iregularidad sa procurement, hindi maipaliwanag na yaman, at kakulangan o maling deklarasyon sa SALN.

Nauna nang idineklara ng House committee on justice na sapat sa porma at nilalaman ang ikatlo at ikaapat na reklamo, kaya nakapagpatuloy ang proseso alinsunod sa impeachment rules ng House of Representatives.

Matapos ang ruling, inatasan ng komite ang Bise Presidente na magsumite ng kanyang verified answer at bigyan ng kopya ang complainants sa itinakdang panahon alinsunod sa rules.

Pagkatapos matanggap ng komite ang kanyang sagot, susunod ang pagdedetermina ng probable cause, kung saan susuriin ng mga miyembro ang ebidensiya at argumento ng dalawang panig, bago magpasya kung ieendorso ang reklamo sa plenaryo para sa susunod na aksiyon.