Sandro

Travel tax abolition pasado sa komite

Mar Rodriguez Mar 11, 2026
119 Views

MALAPIT nang isalang sa plenaryo ng Kamara de Representantes ang panukalang pagbubuwag sa travel tax matapos aprubahan at makalusot sa House Committee on Ways and Means ang panukala.

Ang panukalang batas ay inihain ni House Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos ay itinuturing na “substitute bill” kung saan pinagsama-sama (consolidated) ang iba’t-ibang panukalang batas na may parehong layuning buwagin ang travel tax.

Sa ginanap na pagdinig ng Komite na pinamumunuan ni Marikina City 2nd District Rep. Romero Federico “Miro” Quimbo, inihain ni House Deputy Majority Leader at Manila Rep. Ernesto “Ernix” Dionisio ang mosyon para aprubahan ang naturang substitute bill ng abolition ng travel tax.

Dahil walang tumutol sa mga miyembro ng Komite, idineklara naman ni Quimbo na aprubado ang mosyon ni Dionisio kung saan inaasahang uusad na ang panukala para talakayin sa plenaryo ng Kamara na ilang dekada ng nagpapahirap sa mga mamamayan.

Nakatakdang isalang sa House Committee on Appropriations ang panukalang batas ni Marcos habang nagpahayag ng suporta ang mga kinatawan mula sa Department of Finance (DOF) at Department of Budget and Management (DBM).