Calendar
Source: DOST PAGASA
Trough ng TS Nuri, ‘amihan’ may dalang ulan sa ilang bahagi ng PH
MAKAKARANAS ng ulan ang ilang bahagi ng bansa dahil sa trough ng Tropical Storm Nuri at sa northeast monsoon o “amihan”, ayon sa weather bureau nitong Miyerkules.
Huling namataan ang Nuri 1,290 kilometro silangan ng Eastern Visayas, at nasa labas ng Philippine Area of Responsibility.
Ang trough nito ay magdadala ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat sa Dinagat Islands, Surigao del Norte, Surigao del Sur, at Davao Oriental.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang katamtaman hanggang malakas na ulan ay maaaring magdulot ng biglaang pagbaha (flash floods) o pagguho ng lupa (landslides).
Samantala, ang “amihan” ay magdadala ng mahihinang pag-ulan sa Batanes, Cagayan, Isabela, at Aurora, pati na rin ng paminsan-minsang mahinang ulan sa Metro Manila, natitirang bahagi ng Luzon, at Visayas.
Ang ibang bahagi ng Mindanao naman ay makakaranas ng paminsan-minsang pag-ulan dahil sa localized thunderstorms.
Makakaranas ang Luzon at silangang bahagi ng Visayas at Mindanao ng katamtaman hanggang malakas na hangin at katamtaman hanggang maalon na karagatan.
Sa ibang lugar, ang hangin ay mahina hanggang katamtaman lamang at ang dagat ay bahagyang hanggang katamtaman ang alon, ayon sa PAGASA.

