Ridon

Kamara di lang nakatuon sa impeachment, sa oil crisis din

265 Views

SINABI ni House Committee on Public Accounts Chair Terry Ridon ng Bicol Saro Party-list noong Sabado na sabay na tinutugunan ng House of Representatives ang krisis sa presyo ng langis habang pinoproseso rin ang mga reklamong impeachment laban kay Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte.

Naglabas ng paglilinaw si Ridon bilang tugon sa mga pahayag mula sa kampo ng Pangalawang Pangulo na abala umano ang Kongreso sa impeachment sa halip na tugunan ang tumataas na presyo ng gasolina.

“Napakahalaga pong linawin ang sinabi ni Vice President Sara Duterte na imbes na ang krisis sa langis ang dapat inaasikaso, ang impeachment ng pangalawang pangulo ang inaatupag ng Kongreso at ng pamahalaan. Katulad po ng binanggit ko kanina, hindi po iyon totoo,” ani Ridon.

Ginawa ni Ridon ang pahayag sa Saturday Media Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City habang inilalahad niya ang mga susunod na hakbang sa impeachment proceedings sa harap ng House Committee on Justice, na nauna nang nagpasya na sapat sa porma at substansya ang dalawang natitirang reklamong impeachment laban kay Duterte.

Si Ridon, na miyembro ng House Committee on Justice, ay nagsabing kayang pagsabayin ng Kongreso ang pagpapatupad ng mga agarang hakbang para sa tulong pang-ekonomiya at ang pagtupad sa tungkulin nitong konstitusyonal na panagutin ang mga opisyal ng pamahalaan.

“Kaya pong magsagawa ng Kongreso ng economic relief at accountability measures nang sabay,” aniya.

“So ibig sabihin, sa parehong linggo, habang tinutulungan ang publiko sa pamamagitan ng suspensyon ng excise taxes sa mga produktong petrolyo, tumatakbo rin po ang proseso ng impeachment ng ating pangalawang pangulo,” dagdag ni Ridon.

Tinutukoy ni Ridon ang panukalang batas na magbibigay kapangyarihan kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na suspindihin o bawasan ang excise tax sa gasolina sa panahon ng hindi pangkaraniwang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Naaprubahan na ang panukala sa ikalawang pagbasa sa Kamara at kalaunan ay sinertipikahan bilang urgent ng Pangulo, kaya maaaring mapabilis ng Kongreso ang pagpasa nito.

Inaasahan na maipapasa ng Kamara ang panukala sa ikatlo at huling pagbasa ngayong linggo.

Sinabi rin ni Ridon na kasalukuyang hinihintay ng justice panel ang pormal na sagot ng Pangalawang Pangulo sa ikatlo at ikaapat na reklamong impeachment na inihain laban sa kanya.

“So sa ngayon, inaantay po ng House Committee on Justice ang sagot ng pangalawang pangulo,” ani Ridon.

“Sa tingin ko po ay hanggang ngayong weekend at hanggang Lunes ang palugit niya upang isumite ang kanyang sagot sa House Committee on Justice,” dagdag niya.