Calendar
15-anyos na estudyante patay matapos mahulog sa gusali ng paaralan
ISANG 15-anyos na Grade 7 student ang nasawi matapos umanong mahulog mula sa gusali ng isang paaralan sa Quezon City.
Ayon sa report naganap ang insidente bandang 12:33 ng tanghali noong Marso 6, 2026 sa loob ng Grade 7 building ng nasabing paaralan.
Napag-alaman na bago mangyari ang insidente ay nakita ng isang guro ang estudyante na nakikipag-usap sa kanyang ina sa telepono habang nasa loob ng silid-aralan sa ground floor. Pinayuhan umano ito ng guro na lumabas muna ng classroom upang tapusin ang tawag.
Makalipas ang ilang sandali, nakarinig umano ng kaguluhan sa labas ng gusali ang guro. Nang kanyang silipin, nadiskubre ang estudyante na nakahandusay sa ground floor.
Agad na ipinagbigay-alam ang insidente sa iba pang guro at tumawag sa emergency hotline na 122 upang humingi ng tulong medikal. Dinala ang biktima sa Capitol Medical Center ngunit kalaunan ay binawian ng buhay bandang 11:46 ng umaga noong Marso 7, ayon sa attending physician.
Sa karagdagang imbestigasyon, lumabas na nasangkot umano ang estudyante sa suntukan sa isang kaklase bago naganap ang insidente. Ayon din sa kanyang ina, ang biktima ay may seizure disorder.
Batay sa death certificate, ang sanhi ng pagkamatay ng biktima ay neurogenic shock dulot ng brain herniation at acute subdural hemorrhage.

