Pangilinan

Sen. Kiko nanawagan ng dagdag suporta sa mga mangingisda, magsasaka

126 Views

NANAWAGAN si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan para sa dagdag suporta ng pamahalaan sa mga magsasaka at mangingisda sa gitna ng tumitinding gyera sa Gitnang Silangan na nagpapataas sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Itinutulak din niya ang pagtaas ng mga subsidies at ang suspensyon ng excise tax sa mga produktong petrolyo.

Sinabi ni Pangilinan na ang suspensyon ng excise tax sa mga produktong petrolyo ay katumbas ng P6 na tipid sa bawat litro ng diesel, P10 sa bawat litro ng unleaded gas at liquefied petroleum gas at P5 bawat litro ng kerosene.

Siya ang may-akda ng panukalang batas na nagbibigay sa Pangulo ng emergency powers upang suspindihin ang fuel excise tax sa panahon ng pandaigdigang emerhensiya.

Sinabi ng senador na ang planong P3,000 na cash assistance para sa mga mangingisda, na kukunin mula sa P75 milyong surplus ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa 2025 budget, ay hindi sapat para sa pangangailangan ng sektor.

“Masyadong mababa. Hindi ito angkop sa kasalukuyang sitwasyon. Well, at the very least siguro doble non pero ‘yan eh kulang pa rin.

Kaya nga apart from yung cash assistance na dodoblehin to about P6,000 or P7,000 ay dapat din pababain yung excise tax sa krudo para mabawasan pa ng hanggang P6 kada litro. Yan yung dalawang maaaring immediate na maisagawa,” dagdag niya.

Ipinaliwanag ni Pangilinan na ang dagdag na cash assistance ay maaaring kunin mula sa P10 bilyong Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk sa ilalim ng 2026 budget.

Binanggit ng senador ang mga ulat mula sa mga mangingisda na napilitang bawasan ang kanilang mga biyahe sa isa na lamang bawat dalawang araw sa halip na araw-araw.

Itinuro ni Pangilinan na ang mga magsasaka at mangingisda, na nakakaranas na ng tumitinding gastos sa produksyon, ay kabilang sa pinakanahihirapan sa pagtaas ng presyo ng gasolina.

Ang gasolina ay bumubuo ng 80 porsiyento ng kabuuang gastos sa produksyon ng mga produktong pangsakahan.