Isko3

PWDs, seniors, estudyante may P1.76B subsidy sa Manila

Edd Reyes Mar 16, 2026
133 Views

INANUNSIYO ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang paglalabas ng P1.76 bilyon na tulong pinansiyal, insentibo at revenue shares na layong pasiglahin ang lokal na ekonomiya sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng giyera sa Gitnang Silangan.

Huhugutin ang P594.76 milyon sa General Fund at P1.165 bilyon sa Trust Fund na katumbas ng P1,760,163,485.42 na ipamamahagi sa mga residente, estudyante, manggagawa sa pampublikong sektor, at barangay sa buong Maynila.

Aabot sa humigit-kumulang na 330,000 na Manileño ang makikinabang sa perang ilalabas.

“In a crisis, time is always of the essence. Time is very valuable. Actions, and timely actions, is a very important key element in addressing a crisis situation.

If we can raise the buying capacity or purchasing power of our community, then the businesses will benefit from it, the jobs will be protected, and the economy will continue to evolve,” paliwanag ng alkalde.

Pinakamalaki ang mapupunta sa Social Amelioration Program na aabot sa P310,157,500; senior citizens, P25,658,500; solo parents, P75,978,000; persons with disabilities, P16,055,000; at mga minor PWD beneficiaries, P427,849,000.

Ilalabas din ang tulong pang-edukasyon sa 17,043 estudyante ng Universidad de Manila, P27,522,000 at P23,607,000 sa mga estudyante ng Pamanatasan ng Lungsod ng Maynila.

Naglaan din ng P103,289,834 kung saan ipamamahagi ang ₱68,053,214.45 sa mga pampublikong guro; P32,169,120 sa mga kagawad ng Manila Police District, at P3,067,500 sa mga miyembro ng Bureau of Jail Management and Penology na may kabuuang bilang na 16,425 benepisyaryo.

Maging ang mga senior high school ay pinaglaanan ng P9,678,000, Bureau of Fire Protection, P2,816,376 na magmumula sa kabuuang ₱12,494,376 pondo.

Ipapamahagi naman ang P1,094,082,181.12 na mula sa Trust Fund sa mga barangay bilang kanilang bahagi kabilang ang P25,411,000 mula sa koleksiyon ng barangay clearance at P1,068,671,181.12 na kumakatawan sa Real Property Tax share ng may 896 barangays sa lungsod.

Ang P71,319,093.85 na professional fee sharing ng PhilHealth ay ipamamahagi sa 6,495 healthcare workers sa Ospital ng Sampaloc, Sta. Ana Hospital, Jose Abad Santos General Hospital, Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, Ospital ng Maynila, Ospital ng Tondo at Manila Health Department.