Baligod

Blue Ribbon dapat masuring mabuti bawat testimonya

102 Views

SINABI ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na wala umanong naging pagsisikap si lawyer Levito Baligod na makipag-ugnayan sa Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng mga alegasyon ng 18 diumano’y dating sundalo na iniuugnay sa flood control controversy.

Ayon kay Lacson, inialok na niya na maaaring dinggin ng komite ang ilan o kahit isa lamang sa 18 indibidwal, ngunit walang naging komunikasyon mula sa kampo ni Baligod kahit pa aniya inanyayahan na ang mga ito sa blue ribbon committee.

“Kasi he should have communicated with the committee by now. Kung gusto niya talagang isa lang ang 18 or maybe some of the 18. Walang effort na makipag-usap na baka pwedeng tawagin. Inoffer ko na,” ani Lacson.

Binigyang-diin ni Lacson na hindi maaaring basta tanggapin ng komite ang impormasyong malayo sa katotohanan at dapat aniyang masuring mabuti ang anumang testimonya.

“How do we treat information. Hindi pwede na malayo sa katotohanan. Nag offer na ako kay Atty. Baligod. Of course we will do the math,” dagdag niya.

Ipinaliwanag niya na nais munang tiyakin ng komite kung may pisikal at lohistikong batayan ang mga inilalahad na pahayag bago magsagawa ng anumang pagdinig.

“I should really clarify muna. Ano ba ito sabi niyo? Parang do the math at tingnan natin kung physically possible, logistically possible. Pag-usapan natin at isa lang natin,” dagdag niya.

Binigyang-diin din ni Lacson na nais niyang maiwasan ang sitwasyong maaaring agad humantong sa paggalaw para ipakulong ang mga testigo kapag may makakitang tahasang nagsisinungaling sa kanilang mga pahayag.

“Iniiwasan ko ay pag may nakakita na obvious na nagsisinungaling tapos may mag motion na ipakulong. Wala naman kaming lugar dito,” aniya.

Sinabi niya na dapat maging maingat ang komite sa ganitong sitwasyon, lalo na kung may hakbang na ipa-contempt at ipa-detain ang resource persons, at dapat aniyang pare-pareho ang pamantayan para sa lahat.

“Ang iniwasan ko, once obvious na nagsisinungaling, meron mag-motion para cite for contempt, tapos i-detain, medyo may problema tayo doon. We should treat them in the same manner we treated the other resource persons. When they are lying through their teeth, mahirap naman siguro double standard tayo,” aniya.

Kasunod nito, sinabi rin ni Lacson na nag-alok si dating Ilocos Sur governor Luis “Chavit” Singson na tumestigo sa Blue Ribbon Committee tungkol sa umano’y katiwalian sa likod ng maanomalyang flood control projects.

Ayon kay Lacson, nagpadala si Singson ng liham at nagtungo rin sa kanyang tanggapan sa Senado nitong Lunes upang ipahayag ang kanyang intensyong humarap sa komite.

“He sent a letter, he indicated he wanted to testify. Sabi ko yes if you are testifying on flood control projects, we will schedule a hearing. Tentatively we scheduled it for April 14. but if we can hold it much earlier, why not?” sabi ni Lacson.

Sinabi niya na pansamantalang itinakda sa Abril 14 ang susunod na pagdinig ng Blue Ribbon panel, bagama’t maaari umano itong maisagawa nang mas maaga.

Dagdag pa niya, hindi agad nagsumite ng affidavit si Singson nang magtungo ito sa kanyang opisina sa Senado.

Nang tanungin kung magsusumite ba si Singson ng affidavit bago ang pagdinig, sinabi ni Lacson na “he may or he may not.”

Sinabi ni Lacson na ang magiging bigat ng pagharap ni Singson ay nakasalalay sa kredibilidad at kaugnayan ng kanyang magiging testimonya sa isyu ng flood control.

“Makikita natin ang credibility or incredibility ng kanyang sasabihin. Tama na sa akin na relevant lang ang testimonya ni Chavit Singson sa flood control,” dagdag ni Lacson.

Sinabi rin ni Lacson na kailangan pa niyang kumonsulta sa kanyang mga kasamahan tungkol sa 18 diumano’y dating sundalo na umano’y naghatid ng kickbacks sa ilang personalidad, ngunit nananatili aniya siyang bukas sa pag-anyaya sa kanila basta’t ang kanilang testimonya ay nakaangkla sa katotohanan at may kaugnayan sa imbestigasyon.