Onion Source: Kiko Panglinan FB

Pangilinan hiningi pangalan ng mga abusadong negosyante ng sibuyas

81 Views

HININGI ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang mga pangalan ng mga trader at cold storage operator na iniuugnay sa mga reklamong pinagkakaitan ng espasyo sa imbakan ang mga magsisibuyas at napipilitang ibenta nang mura ang kanilang ani.

Ginawa ni Pangilinan ang panawagang ito matapos ang pinagsamang pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform at ng mga Committee on Local Government at Ways and Means sa Muñoz, Nueva Ecija, kung saan inilahad ng mga magsisibuyas mula Nueva Ecija, Mindoro, at Pangasinan ang mga reklamo ng pagsasamantala at hindi patas na kalakaran sa merkado.

Sinabi niya na may mga municipal officer ng Department of Agriculture na umano’y nakaaalam kung sinu-sino ang mga trader, kaya hinimok niya ang mga ito na ibigay ang mga pangalan upang maipatawag sa Senado at mapasisipot upang magpaliwanag.

“Ang panawagan din natin, kung may impormasyon sila tungkol nga dito sa pang-aabuso at pagsasamantala, ibigay sa atin. Nabanggit nga kanina, kilala raw ng mga Municipal Agriculture Officers kung sino ang mga trader nito,” sabi ni Pangilinan sa panayam matapos ang pagdinig. “Ibigay sa atin ang pangalan; ipapatawag natin para magpaliwanag.”

Sinabi rin ni Pangilinan na sinisilip niya ang mga ulat na may ilang cold storage operator na posibleng kasabwat ng mga trader at middleman, dahilan upang hindi mabigyan ng espasyo ang mga magsasaka at mapilitang ibenta ang kanilang sibuyas sa mababang presyo.

“Kaya ko nga kinuha at hiningi yung mga pangalan nung mga cold storage operators. Ipapatawag din natin sila, papaliwanagin natin sila doon sa mga paratang na may mga kasabwat para hindi mabigyan ng espasyo ang mga magsasaka dahil inuuna nila ang mga trader,” aniya.

Ayon sa senador, ipinapakita ng mga reklamong ito ang mga kalakaran sa merkado na lalo pang nagpapabigat sa kalagayan ng mga magsasaka at mangingisda. Sinabi niyang magpapatuloy ang imbestigasyon ng Senado sa matinding pagbagsak ng farm-gate price ng sibuyas at dapat mapaharap ang mga pangalang maituro sa mga reklamo.

Idinagdag pa ni Pangilinan na kailangang kumilos agad ang pamahalaan upang maprotektahan ang industriya ng sibuyas at matiyak na hindi napapabayaan ang mga magsasaka.