Calendar
SUSPEK SA VIRAL NA ‘GAS-AND-RUN’ TUKOY NA
TUKOY na ng pulisya ang suspek sa viral “gas-and-run” incident matapos matunton ang sasakyang ginamit nito sa Quezon City.
Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), naganap ang insidente noong Marso 22, 2026, sa isang gasolinahan sa Barangay Apolonio Samson kung saan nagpa-full tank umano ang suspek pero sabay karipas nang hindi nagbabayad.
Sa isinagawang imbestigasyon, gumamit ang mga awtoridad ng forward at backward CCTV tracking na nagresulta sa pagkilala sa suspek — isang lalaki na may taas na tinatayang 5’2” hanggang 5’5” at nakasuot ng itim na damit at tsinelas.
Narekord din sa CCTV ang sasakyan nitong Toyota Innova kung saan malinaw na nakuha ang plate number.
Nakita din na dalawang beses huminto ang suspek, kung saan umano’y kinutkot pa nito ang plaka ng sasakyan at bumaba para manigarilyo bago tumakas.
Huling namataan ang sasakyan sa Crispulo Street sa Caloocan City.
Dahil dito, agad nakipag-ugnayan ang QCPD sa Land Transportation Office (LTO) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na nagresulta sa pagkakakilanlan ng rehistradong may-ari ng sasakyan.
Gayunman, ayon sa may-ari, naipasa na umano ang sasakyan sa ibang tao sa pamamagitan ng “pasalo” o informal transfer na walang sapat na dokumento.
Sa kabila nito, patuloy ang beripikasyon ng pulisya upang matukoy ang tunay na gumagamit ng sasakyan.
Tiniyak ng QCPD na sasampahan ng kaukulang kaso ang responsable sa insidente.
Hinihikayat din ang publiko na makipagtulungan at magbigay ng anumang impormasyon sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o tumawag sa E911 at QC Helpline 122.

