GAS

LTFRB: Mahigit P651M subsidy sa fuel naipamigay na

Jun I Legaspi Mar 30, 2026
88 Views

MAHIGIT P651 milyon na ang naipamahaging fuel subsidy sa mga benepisyaryo sa buong bansa, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, inatasan na niya ang lahat ng regional directors na ipagpatuloy ang validation process upang matiyak ang mabilis, maayos at walang abala na pamamahagi ng tulong.

“May ilang maliit na hamon tayong naranasan lalo na sa Metro Manila, ngunit nagsilbi itong aral upang maiwasan ang kaparehong sitwasyon sa mga probinsya sa mga nakalipas at darating na araw.

Nanatili ang ating layunin—ang mabilis na pamamahagi ng fuel subsidy. Tinitiyak namin sa ating mga kaibigan at katuwang sa PUV sector na nasa tamang direksyon tayo,” sabi ng LTFRB chairman.

Nauna nang sinabi ni Department of Transportation Secretary Giovanni Lopez na may nakalaang P2.4 bilyon para sa fuel subsidy at inatasan ang LTFRB na maghanda bago pa man maramdaman ang epekto ng tensyon sa bansa.

Mula Marso 17 hanggang kasalukuyan, umabot na sa P651,185,000 ang naipamahagi.

Pinakamalaking bahagi nito ay sa Metro Manila (P181.278 milyon), CALABARZON (P98.215 milyon), at Central Luzon (P73.416 milyon).

Saklaw ng pamamahagi ang mga drayber at operator ng modern at tradisyunal na jeepney, UV Express at shuttle transport, mga pampasaherong bus at P2P buses, TNVS partners, Fil Cabs, taxi, tricycle at delivery services.

“Hindi pa tapos ang ating tungkulin. Marami pang dapat gawin, ngunit tiniyak namin sa ating mga kababayan na nagtutulungan ang buong pamahalaan upang maipamahagi agad ang fuel subsidy,” ani Mendoza.