Bus

LTFRB naglabas ng SCO sa 8 bus companies na nagtaas ng pasahe

Jun I Legaspi Mar 31, 2026
142 Views

NAGLABAS ng show cause order (SCO) ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa walong bus firms na umano’y nagtaas ng pasahe ng walang pahintulot.

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, bumibiyahe sa mga ruta patungong Bicol ang ilan sa mga bus firms.

Ang mga ito ay posibleng masuspinde o makansela ang Certificate of Public Convenience (CPC), isang dokumento para sa operasyon ng pampublikong transportasyon.

“Nauunawaan namin ang mga hamon na kinakaharap ng mga kompanya ng bus at iba pang operator ng pampublikong sasakyan, ngunit hindi dapat gawing dahilan o palusot ang mga ito para lumabag sa umiiral na regulasyon at isakripisyo ang kapakanan ng mga pasahero,” ani Chairperson Mendoza.

Binigyan ng 10 araw ang mga kompanya mula sa pagtanggap ng kautusan upang ipaliwanag kung bakit hindi dapat masuspinde o makansela ang kanilang CPC dahil sa umano’y pagdagdag ng pasahe ng walang pahintulot.

Nakasaad din sa kautusan na lahat ng naturang kompanya ay inatasang agad na itigil ang labis na paniningil o pagdaragdag ng pasahe.

Itinakda ang pagdinig para sa mga kompanya sa Abril 23, 2026, at nagbabala ang LTFRB na ang hindi pagsusumite ng paliwanag o hindi pagdalo sa pagdinig ay ituturing na pag-waive sa karapatang marinig at magreresulta sa multa na P5,000.

Nag-apruba ang LTFRB ng dagdag pasahe para sa mga pampublikong sasakyan ngunit ipinagpaliban ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang implementasyon.

“Malinaw at simple ang utos ni Pangulong Marcos at ni DOTr Secretary Lopez: walang dapat na dagdag pasahe. At hindi namin papayagan ang sinumang sumuway sa utos na ito,” giit ni Mendoza.

Hinimok ni Chairperson Mendoza ang mga mananakay na i-report sa LTFRB ang anumang pagtaas ng pasahe o labis na paniningil.