Holdup

Holdup suspek sa convenience store arestado, 1 pa hinahanting

Edd Reyes Apr 1, 2026
282 Views

ARESTADO ang isa sa dalawang holdaper matapos nilang holdapin umano ang isang convenience store sa loob ng PTX Building Miyerkules ng madaling araw, Abril 1, sa Barangay Magallanes, Makati City.

Natunton kaagad ng mga tauhan ni Makati police chief P/Col. Pedro Alagano, Jr. si alyas “Talong”, 29, malapit sa kanyang tirahan sa Brgy. Fort Bonifacio, Taguig City habang tinutugis pa ang kanyang kasabuwat na si alyas “Kalbo” na umano’y armado ng baril nang isagawa ang panghoholdap.

Sa ulat na tinanggap ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Randy Arceo, dakong alas-2:45 ng madaling araw nang pasukin at holdapin ng dalawa ang tindahan bago tumakas patungo sa gawi ng Taguig City, tangay ang P3,000 cash.

Nagsagawa kaagad ng follow-up operation at intelligence gathering ang Makati Police Station Intelligence Section (SIS), Investigation and Detective Management Section (IDMS), a Bangkal Sub-Station na nagresulta upang makilala nila ang mga suspek.

Nakuha ng mga pulis kay alyas Talong ang gamit na patalim sa panghoholdap na gagamiting ebidensiya laban sa kanya sa pagsasampa ng kasong robbery hold-up sa Makati City Prosecutor’s Office.