Calendar
3 parcel na inabandona sa CMEC may lamang P38M shabu
NADISKUBRE ng mga awtoridad sa tatlong inabandonang parcel ang mahigit P38 milyong halaga ng shabu sa Central Mail Exchange Center (CMEC) Martes ng hapon sa Pasay City.
Kaagad kinumpiska ng mga tauhan ng PNP Aviation Security Group (AVSEGROUP) ang mga parcel na nagmula sa mga bansang Canada, Pakistan, at Zambia na inilaan para sa mga tatanggap mula sa iba’t-ibang munisipalidad sa lalawigan ng Cavite.
Una ng hinarang ang mga pakete nang isailalim sa X-ray screening ng Bureau of Customs bunga ng kahinahinalang laman na dahilan para kaagad nila itong ipabatid sa NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group.
Nang isagawa ang mano-manong pagbubukas ng pakete, dito natuklasan ang 5,691 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng ₱38,698,800.00 na palihim na itinago sa nakalagay na foot massager, motorcycle jackets, at steel roller sa pag-asang makalusot sa mga awtoridad.
Nagpaalala naman sa publiko si PNP AVSEGROUP Director P/BGen. Dionisio Bartolome, Jr. na maging maingat at huwag payagang magamit ang kanilang pangalan, katauhan, at tirahan para pagbabagsakan ng kahinahinalang kargamento dahil walang humpay ang isinasagawa nilang pagtugis sa mga sangkot sa aktibidad ng ilegal na droga.

