Holdap

1 sa 2 holdaper tiklo sa LP

Edd Reyes Apr 6, 2026
262 Views

TIMBOG ang isa sa dalawang holdaper na nangholdap umano ng kahera noong Lunes sa Las Piñas City pero nakaeskerda ang kasamang holdaper.

Tinangka pang umiskerda ni alyas Ronel, 37, sa mga tauhan ni Las Piñas police chief P/Col. Wilson Delos Santos pero hinabol siya at tuluyang nasukol sa Receiver St., Brgy. CAA.

Nakumpiska sa suspek ang cal .22 magnum na kargado ng apat na bala, puting motorsiklo na gamit sa pagtakas at smartphone na tinangay sa biktimang kahera.

Sa ulat kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Randy Arceo, pauwi na ang biktimang si alyas Mary ng tutukan ng baril at holdapin ng mga suspek sa kanto ng San Antonio Valley 7 at Naga Road sa Brgy. Pulang Lupa Dos dakong alas-2:00 ng madaling araw.

Naitawag sa pulisya ng nakasaksi sa panghoholdap ang insidente na dahilan upang mag responde ang Tactical Motorcycle Riders Unit (TMRU) ng Las Piñas police at nagresulta sa pagkakadakip kay Ronel.

Tinutugis pa ang kasabwat ng suspek na si alyas Balat.