Calendar
Blanket ayuda iwasan, suporta sa apektado ng krisis pag-aralan
HINIMOK ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang pamahalaan na iwasan ang “blanket ayuda” at pag-aralan ang mas target na suporta para sa mga apektado ng fuel crisis.
Ayon kay Lacson, dapat suriin ng pamahalaan ang mga hakbang na direktang makikinabang ang mga sektor na unang tinatamaan ng pagtaas ng presyo ng langis, partikular ang transport sector at mga ordinaryong commuter, sa halip na umasa lamang sa malawakang ayuda na hindi laging nakararating sa pinakaapektadong sektor.
Sinabi niya na maaari ring pag-aralan ng pamahalaan kung paano tumugon ang mga kalapit-bansa gaya ng Taiwan sa fuel price shocks sa pamamagitan ng subsidy mechanisms na naglalayong maibsan ang pasanin ng mga apektadong sektor.
Binanggit ni Lacson na mabigat ang magiging epekto sa pananalapi ng pamahalaan kapag sinuspinde ang fuel taxes.
Batay sa projection ng Department of Finance, maaaring umabot sa P200.899 bilyon ang mawawala sa kita sa 2027 mula sa suspensyon ng excise tax at karagdagang P119.326 bilyon mula sa suspensyon ng VAT o humigit-kumulang P320 bilyon kung aalisin ang dalawang buwis.
Kahit hindi pa naaabot ng global oil prices ang antas na magti-trigger sa awtomatikong suspensyon ng excise taxes, maaari pa ring pag-aralan kung mailalaan ang mananatiling kita sa mga sektor na direktang tinatamaan ng tumataas na presyo ng langis, ayons sa senador.
“Pag-aralan lang, isama sa consideration sa halip mag-suspend kasi ‘di naman ito maski pumalo ng $100 per barrel sa world price pwedeng ‘di ma-suspend pero ang revenue na ‘di mawala, baka pwedeng pag-aralan para ilagak kung saan ang direktamenteng apektado ng presyo yan ang makikinabang,” sabi ng senador.
Sinabi rin ni Lacson na dapat suriin ng pamahalaan kung talagang naaabot ng ayuda programs ang mga inilaan nitong benepisyaryo.
Idinagdag niya na dapat ding pag-aralan ng pamahalaan ang mas mabilis at mas direktang tugon para sa mga taong ang araw-araw na buhay at kabuhayan ay agarang naaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng langis.
“Dapat i-review din ng ating pamahalaan kung ano talaga ang nararapat na tugon na direktamenteng makatulong sa directly affected sa taas ng presyo ng langis,” sabi ni Lacson.
