Anchit Masangcay

Makakapag-piyansa kaya si Vhong?

Anchit Masangcay Sep 10, 2022
276 Views

MAKAPAG-PIYANSA kaya ang singer-actor-host na si Vhong Navarro sakaling ilabas ang dalawang warrant of arrest na ilalabas laban sa kanya?

Ito ang lumutang na katanungan matapos makumpirma na naisampa na sa dalawang husgado ang magkahiwalay na kasong rape at act of lasciviousness laban kay Navarro kaugnay sa isinampang sumbong na ng model na si Deniece Milinette Cornejo.

Sa ilalim ng Revised Penal Code 266-A, ang kasong panggagahasa ay isang ‘non-bailable offense,’ bagaman binibigyan ng ‘prerogative’ ang hukuman na magdesisyon kung papayagan ba nilang mag-piyansa o hindi ang kontrobersiyal na Showtime host.

Nitong nakalipas na Huwebes, Setyembre 8, 2022 ay nai-raffle na sa Taguig Courts ang dalawang kaso laban kay Navarro.

Si Regional Trial Court Judge Lorelie Datahan ng Branch 69 ang naatasang duminig sa ‘rape’ charge, samantalang si Metropolitan Trial Court Judge Angela Francesca Din ng Branch 116 naman ang magdedesisyon sa kasong ‘acts of lasciviousness’ o paglabag sa Article 336 ng RPC.

Hindi katulad ng rape case, ang acts of lasciviousness ay mayroong piyansa.

Si Navarro ay inakusahan ng pag-abusong sexual kay Cornejo noong Enero 17, 2014 kung saan naging headlines ito ng media. Ang comedian ay nasa kanyang katanyagan bilang contract actor ng ABS-CBN noong panahong iyon.

Naunang ibinasura ng Taguig City Prosecutors Office ang mga kasong isinampa laban kay Navarro, ngunit binaligtad ito ng Court of Appeals nang umapela naman ang kampo ni Cornejo.

Sa desisyon na inilabas noong July 21, inatasan ng CA ang Taguig City Prosecutors’ Office “to file the Information against Ferdinand “Vhong” H. Navarro for: (1) Rape by Sexual Intercourse under Article 266-A (1) of the Revised Penal Code, as amended by Republic Act No. 8353; and (2) Acts of Lasciviousness under Article 336 of the Revised Penal Code.”

Sinabi ng korte: “It was erroneous for the DOJ (Department of Justice) to deny Cornejo’s petition for review on the ground that her statements int he complaint-affidavits are inconsistent and incredible.”

“In this regard, it bears to stress that the determination of probable cause does not depend on the validity or merits of a party’s accusation or defense or on the admissibility or veracity of testimonies presented,” saad ng appellate court.

Matapos ang ilang taon pagdinig, naglabas ng panibagong desisyon ang piskalya para isampa sa magkakahiwalay na hukuman ang kaso laban sa tinaguriang Mr. Suave ng bansa.

Dahil sa pangyayaring ito, nakaabang ang madla kung ano ang mangyayari ngayong naisampa na ang dalawang kaso ni Navarro sa korte.

Unang inaabangan ay ang napipintong paglabas ng ‘warrant of arrest’ at ang ikalawa ay kung papayagan ba itong mag-piyansa.

Asahang sa mga susunod na araw ay pagpipiyestahan uli ito ng media, netizens at publiko.

Kaya abangan ang susunod na kabanata!