LTFRB

Salamat sa inyo–LTFRB chairman sa TNCs na nagbaba ng komisyon

Jun I Legaspi Apr 19, 2026
43 Views

PINURI ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga Transport Network Companies (TNCs) na nagbaba ng komisyon bilang tulong sa kanilang mga transport network vehicle service (TNVS) partners.

Ayon kay LTFRB Chairman Vigor Mendoza II, malaking tulong ang hakbang na ito sa pagsisikap ng pamahalaan na maibsan ang epekto ng krisis sa langis sa sektor ng pampublikong transportasyon alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Pinasasalamatan ko ang mga TNCs na tumugon sa panawagan na mag- ambag sa pagtulong sa sektor ng pampublikong transportasyon. Malaking tulong ito sa ating mga TNVS partners ngayong mataas ang presyo ng diesel at gasolina,” ani Mendoza.

Noong Abril 16, nakipagpulong ang LTFRB chief sa mga opisyal at kinatawan ng 18 TNCs na nag-ooperate at tinalakay ang pagbawas ng komisyon na umabot hanggang 10%.

Tatlo sa mga TNCs ang pansamantalang nag-waive ng komisyon hanggang sa makabawi ang sektor ng transportasyon.

Nagpasalamat si Chairman Vigor sa bawat TNC sa ngalan ni Secretary Giovanni Lopez at tiniyak na ang LTFRB ay maghahanda ng guideline kaugnay ng pagbawas ng komisyon bilang bahagi ng regulasyon.

“Ito ang tunay na diwa ng bayanihan. Ito ang mga pagkakataon na dapat ipagmalaki na maging Pilipino dahil sa malasakit at pagtutulungan,” dagdag ng LTFRB chairman.