Sugal

Patuloy na illegal na sugal sa San Pedro, Laguna inireklamo sa Crame

32 Views

TALAMAK pa rin umano ang operasyon ng illegal na sugal sa San Pedro, Laguna sa kabila ng mahigpit na kautusan ng Philippine National Police (PNP) laban sa lahat ng uri ng ilegal na pasugalan.

Isang aktibong bookies operation ang sinasabing nagpapatuloy sa lungsod at may sapat umanong pondo upang manatiling tumatakbo sa kabila ng mga direktiba sa pambansang antas na sugpuin ang illegal gambling.

Ayon sa ulat, may mga alegasyon ng proteksiyon mula sa hanay ng pulisya ang naturang operasyon.

Lumalabas sa reklamong ipinarating sa pambansang himpilan ng pulisya sa Camp Crame na mayroon din umanong financier ng operasyon na iniuugnay sa pamilya ng isang mataas na opisyal ng pamahalaan.

Nauna nang ipinatupad ng PNP at ni Police Brigadier General Hansel M. Marantan ang istriktong kautusan na alisin at tuluyang wakasan ang anumang uri ng ilegal na sugal sa buong Pilipinas.

Nananawagan ang publiko para sa isang makatarungang imbestigasyon, paglilinaw mula sa pamunuan ng PNP, at pananagutan ng mga sangkot sa nasabing mga aktibidad.