Calendar
Hontiveros naalarma sa sunog sa Navotas landfill, review ng solid waste mgmt hiniling
MULING nanawagan si Senadora Risa Hontiveros ng komprehensibong review sa solid waste management system ng bansa matapos makaapekto sa mga karatig na komunidad ang patuloy na sunog sa landfill sa Navotas at magdulot ng pangamba sa kalikasan at kalusugan ng publiko.
Sinabi ni Hontiveros na dapat saklawin ng review ang Republic Act No. 9003, o Ecological Solid Waste Management Act, at ang mga amyenda nito, gayundin ang mga kakulangan sa regulasyon, monitoring, waste reduction, segregation, at recycling.
“For days, residents in CAMANAVA area, some other areas in NCR, and even as far as Bataan have been exposed to unhealthy air quality that was never supposed to pose this kind of danger. This incident is deeply alarming,” ani Hontiveros.
Sinabi ng senadora na naghain siya noong Pebrero ng Proposed Senate Resolution No. 285 na humihiling ng imbestigasyon sa tinukoy niyang systemic failures sa national solid waste management framework matapos ang pagguho ng Binaliw landfill sa Cebu City.
“Ito mismo ang nais nating maiwasan nang ihain natin ang PSN 285. Hindi na dapat nauulit ang ganitong mga insidente. Ang tunay na trahedya ay kung wala tayong gagawin para ayusin ang malinaw na lapses sa ating solid waste management system,” ani Hontiveros.
Ayon kay Hontiveros, hindi dapat ituring na hiwalay na insidente ang sunog sa Navotas landfill, kasabay ng pagbanggit sa mga naunang landfill incidents sa Cebu City at Rodriguez, Rizal.
Sinabi niya na ipinapakita ng patuloy na pag-asa sa landfills ang pangangailangang palakasin ang pagpapatupad ng waste reduction, segregation, at recycling sa antas ng lokal na pamahalaan.
“Our laws are clear. Landfills are meant to be the last resort and not the default solution. But gaps in the implementation of waste reduction, segregation, and recycling at the local level continue to push large volumes of waste into landfills,” ani Hontiveros.
Nagpahayag din si Hontiveros ng pangamba sa monitoring gaps. Binanggit niya ang Section 16.1 ng Department of Environment and Natural Resources Administrative Order No. 2017-15, na naglilimita sa Multipartite Monitoring Teams sa Environmentally Critical Projects.
Sinabi niya na ang mga landfill na mas mababa sa itinakdang kapasidad ay maaaring maiklasipika bilang Non-Environmentally Critical Projects o Category B projects, kaya hindi napapasailalim sa regular monitoring at oversight ang maraming pasilidad.
“Kung mahina ang monitoring, may nakakalusot talaga na paglabag sa environmental standards. Dapat tiyakin ng DENR na ang mga obligasyon sa ilalim ng ECC, kabilang ang tamang pagsasara at rehabilitasyon ng mga landfill, ay mahigpit na naipatutupad,” ani Hontiveros.
Nanawagan si Hontiveros na unahin ang inquiry sa ilalim ng Proposed Senate Resolution No. 285 upang matukoy ang pananagutan, mapalakas ang enforcement, at makatulong na maiwasan ang kahalintulad na mga insidente.
“Hindi na ito simpleng usapin ng waste management. Nakasalalay dito ang kalusugan ng mamamayan, ang kalikasan, at ang kaligtasan ng ating mga komunidad. Kailangan na natin ng agarang aksyon bago pa muling maulit ang trahedya sa ibang lugar,” ani Hontiveros.

