Calendar
BI naharang mga Pinoy na nirecruit magsundalo abroad
NAGBABALA ang Bureau of Immigration (BI) laban sa lumalalang modus ng human trafficking kung saan mga Pilipinong lalaki ay ni-recruit upang magtrabaho bilang sundalo sa ibang bansa.
Ang babala ay kaakibat ng kampanya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na protektahan ang mga Pilipino laban sa illegal recruitment at trafficking.
Noong Marso 31, isang 52-anyos na lalaki ang hinarang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 matapos magpanggap bilang turista. Sa masusing imbestigasyon ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES), natuklasan na siya ay isang army reservist na ni-recruit sa pamamagitan ng Facebook upang magtrabaho sa isang banyagang militar. Inalok siya ng $2,500 buwanang sahod at $25,000 sign-on bonus.
Kinabukasan, dalawang lalaki na edad 38 at 39 ang pinigilan sa Clark International Airport Terminal 2 bago makasakay ng eroplano patungong Bangkok, Thailand.
Una nilang sinabi na sila ay magbabakasyon, ngunit lumabas sa imbestigasyon na sila rin ay ni-recruit online upang magsilbi bilang sundalo, kapalit ng $1,500 buwanang sahod at $30,000 joining bonus.
Sumunod na mga insidente ay naitala noong Abril 5 sa NAIA Terminal 3, kung saan dalawang lalaki edad 49 at 50 ang hinarang habang tinatangkang dumaan sa Ethiopia, at noong Abril 12 sa NAIA Terminal 1, kung saan isang 51-anyos na lalaki ang pinigilan matapos tangkaing dumaan sa China upang magtrabaho bilang sundalo sa abroad.
Nagbigay ng matinding babala si Immigration Commissioner Joel Anthony Viado hinggil sa panganib ng naturang modus:
“Ang mga opisyal natin ay nananatiling mapagbantay sa pagtuklas ng ganitong mga scheme sa ating borders. Ang interception na ito ay posibleng nakaligtas ng mga buhay mula sa matinding panganib. Ito ay nakababahalang trend—nililinlang ng mga grupo ang mga Pilipino upang magtrabaho bilang armadong tauhan sa mga hindi tinutukoy na lugar, inilalagay sa matinding peligro ang kanilang buhay. Huwag kayong magpaloko sa mga alok na tila napakaganda para maging totoo, lalo na kung ito ay mula sa social media.”
Muling nanawagan ang BI sa publiko na mag-ingat sa mga kahina-hinalang job offers abroad, partikular na yaong may kinalaman sa “security” o “military” work na walang malinaw na dokumentasyon, dahil maaaring ito ay front ng illegal recruitment at human trafficking.
Ang lahat ng biktima ay itinurn-over sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa kaukulang tulong at legal na aksyon laban sa mga recruiter.

