Calendar
Lacson nag-aaral ng court rules para sa posibleng impeachment trial
SINABI ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na sumasailalim siya sa “crash course” sa rules of court habang naghahanda ang mga senador sa posibleng pagpapadala ng impeachment articles na may kaugnayan kay Vice President Sara Duterte.
Sa ambush interview nitong Huwebes, sinabi ni Lacson na magdaraos ang Senado ng caucus upang talakayin ang paghahanda sakaling pormal na ipadala ng House of Representatives ang impeachment articles sa upper chamber.
“Logistics of what the set up is, that’s it. We’ll talk about it in the caucus. I, like the Senate President, have a crash course in the rules of court. I also invited a judge to brief me on these matters, as well as the compilation of evidence,” ani Lacson.
Ang Senate President na tinukoy ni Lacson sa kanyang pahayag ay si Senate President Vicente C. Sotto III.
Nilinaw ni Lacson na hindi ipinatawag ang caucus dahil sa mga bagong kaganapan sa Kamara, dahil ilang araw na umano itong nakatakda bilang bahagi ng contingency planning.
Sinabi niya na maaaring magkaroon ng disadvantage ang mga senador na walang legal background sa courtroom-style proceedings, lalo na at iilan lamang sa mga miyembro ng Senado ang may karanasan na umupo bilang impeachment judges.
Binanggit ni Lacson ang kanyang karanasan noong 2012 impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona, kung saan ang Senado, na umupo bilang impeachment court, ay nagpasya na guilty si Corona sa Article 2 ng reklamo kaugnay ng hindi kumpletong pagdedeklara ng kanyang statement of assets, liabilities and net worth.
Sinabi rin niya na hiwalay ang impeachment proceedings sa regular legislative calendar at hindi ito maaapektuhan ng adjournment ng Kongreso.
Ayon kay Lacson, nakadepende pa rin ang anumang aksiyon ng Senado sa kung ipapadala ng Kamara ang impeachment articles, ngunit kailangan aniyang maging handa ang chamber na gampanan ang constitutional role nito sakaling makarating sa Senado ang kaso.
