Tulfo4

Tulfo pina-aksyon DTI laban sa mapamantalang negosyante

22 Views

PARA sa mga pamilyang Pilipino na umaasa sa pagbili ng pagkain at pangunahing bilihin sa malalapit na tindahan, mabilis na nararamdaman ang epekto ng pagtaas ng presyo sa kanilang badyet.

Ayon kay Senador Erwin Tulfo, ito ang sitwasyong kinakaharap ng ilan habang may mga retailer na umano’y lumalabag sa ipinatutupad na price freeze ng pamahalaan.

Sinabi ni Tulfo na may ilang nagtitinda na sinasamantala umano ang kakulangan sa monitoring, lalo na sa maliliit na pamilihan kung saan limitado ang pagpipilian ng mamimili.

“A businessowner might think, ‘I sell in a small market and the government does not reach this point in monitoring so I can just raise my selling price,’” ani Tulfo.

Ang price freeze na ipinatutupad ng Department of Trade and Industry (DTI) hanggang Mayo 10 ay layong protektahan ang mga mamimili laban sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin na iniuugnay sa pandaigdigang tensyon, kabilang ang epekto ng sitwasyon sa Middle East sa suplay at presyo ng langis. Ayon kay Tulfo, maaaring mawalan ito ng bisa kung magpapatuloy ang mga paglabag.

Sa maraming komunidad, nananatiling pangunahing pinagkukunan ng pang-araw-araw na pangangailangan ang mga sari-sari store at maliliit na grocery. Ayon sa senador, direktang naaapektuhan ang mga karaniwang mamimili kapag tumataas ang presyo sa mga lugar na ito.

“Filipino consumers are yet again left with no choice but to adjust the family budget because these markets, local groceries, are the most accessible places for them to buy goods for daily sustenance,” dagdag niya.

Hinimok ni Tulfo ang DTI na paigtingin ang aktuwal na inspeksyon sa mga pamilihan at huwag lamang umasa sa mga ulat, dahil maaaring hindi nito lubusang naipapakita ang tunay na sitwasyon.

“Heed the call of our kababayans. A simple check of social media sentiments should give you an idea that there are various areas not applying the price freeze. What stops you to inspect these areas personally?” aniya.

Dagdag pa ni Tulfo, maaaring mabawasan ang epekto ng tulong ng pamahalaan kung may umano’y manipulasyon sa presyo sa antas ng retail.

“The price freeze is supposed to complement the multi-pronged approach of the government amid the ongoing tensions. We can provide aid, but if the prices are being manipulated, this becomes non-sense,” aniya.

Sa ilalim ng umiiral na batas, ang mga lalabag sa price freeze ay maaaring maharap sa kasong administratibo, multa, o pagkakakulong depende sa bigat ng paglabag.