CHED

Pia suportado ang panawagang tuition hike ipagpaliban

26 Views

SINUPORTAHAN ni Senadora Pia S. Cayetano ang panawagan ng Commission on Higher Education (CHED) na ipagpaliban ng higher education institutions (HEIs) ang planong tuition increases, at sinabing dapat tumulong ang mga paaralan na manatiling abot-kaya ang kolehiyo para sa mga pamilyang Pilipinong pasan na ang tumataas na gastusin.

Si Cayetano, Senior Vice Chair ng Senate Committee on Finance, ay nagsabing dapat ipagpaliban muna ng mga unibersidad ang tuition hikes habang hinaharap ng mga pamilya ang mas mataas na gastos.

“I fully support CHED’s call for universities to hold off on tuition increases. Many families are already struggling with rising costs across the board. We must ensure that education remains accessible, especially during these challenging times,” ani Cayetano.

Sinabi niya na ang accessible education ay nananatiling isa sa pangunahing paraan upang matulungan ang mga pamilya na makawala sa paulit-ulit na kahirapan at maisulong ang patas na oportunidad sa susunod na henerasyon.

Si Cayetano, na humawak ng education budget sa loob ng anim na taon, ay nagsabing nagsisikap ang gobyerno na palakasin ang suporta sa higher education sa pamamagitan ng Tertiary Education Subsidy at dagdag na pondo para sa State Universities and Colleges.

Aniya, may mahalagang papel din ang private HEIs sa pagpapanatiling abot-kaya ang edukasyon para sa mga pamilyang Pilipino.

Umasa si Cayetano na maaaring magtulungan ang private institutions at gobyerno upang pagaanin ang pasanin ng mga estudyante habang pinananatili ang kalidad ng edukasyong ibinibigay ng mga paaralan.

Pinuri rin niya ang CHED sa pagpapanatili ng bukas na dayalogo sa HEIs habang binabalanse ang operational needs ng mga paaralan at ang kakayahan ng mga pamilya na magbayad.

“I appreciate that CHED is engaging with HEIs on this matter. It’s important that we balance the operational needs of institutions with the capacity of families to afford education,” sabi niya.

Hinimok ni Cayetano ang HEIs na humanap ng ibang paraan upang tugunan ang operational challenges nang hindi ipinapasa ang pasanin sa mga estudyante at kanilang pamilya.

Sinabi niya na ang pamumuhunan sa edukasyon ay pamumuhunan sa kinabukasan ng bansa, at dapat manatiling prayoridad ang access.

“Education is the great equalizer. We cannot allow it to become a privilege that only the wealthy can afford,” ani Cayetano.