Calendar
Kampo ni Carpio: P6.7B transaksyon sa bangko marites lang
ITINANGGI ng kampo ng kabiyak ni Bise Presidente Sara Duterte na si Atty. Manases ‘Mans’ Carpio noong Lunes ang paratang na mayroon silang transaksyon sa bangko na nagkakahalaga ng P6.7 billion, ayon sa report ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa isang pagdinig ng komite sa Kamara.
Ayon kay Atty. Peter Paul Danao, tumatayohg abogado ni Carpio, peke ang umano’y ‘kahina-hinala’ na mga transaksyon na ibinunyag ng AMLC laban kay Carpio.
Idiniin ni Danao sa media na, “Sinabi ni Atty. Carpio na ang P6 bilyon ay peke at kasinungalingan. Wala siyang ganoong pera. Ito ay peke at isang lantad na kasinungalingan—kumbaga sa Tagalog… marites po iyon, tsismis. Dahil ang ginawa ng AMLC, transaction value ang kanilang ipinakita. Kaya ang kabuuang halaga ng mga transaksiyon ay pinagsama-sama nila.”
Sinabi rin ni Danao na nilabag umano ng AMLC ang mga karapatan ni Carpio at nagbabala na maaaring malabag din ang karapatan ng karaniwang Pilipino kung ito ay pahihintulutan.
“Ito ay dagok sa industriya ng bangko. Si Atty. Mans ay isang abogado at asawa pa ng Bise Presidente. Kung kaya ng AMLC na kalkalin ang lahat ng bank records ng isang abogado na asawa ng pangalawang pinakamataas na opisyal ng Pilipinas, paano pa tayong mga mahihirap?,” dagdag ni Danao.
Isa pang abogado ni Carpio na si Atty. Neil Abayon ang nagsabing hindi dapat magkaroon ng piling pagpapatupad ng hustisya sa Kamara sa pagpapatupad ng batas.
Ayon kina Danao at Abayon, maging ang mga miyembro ng media na naglabas ng mga bank transaction ni Carpio ay maaari ring managot.
Gayunman, nilinaw nina Danao at Abayon na walang balak si Carpio na magsampa ng kaso laban sa media at layunin lamang nilang paalalahanan ang lahat na maging maingat sa paggamit ng mga ulat mula sa AMLC.
“Si Atty. Mans ay wala at walang balak na magsampa ng anumang kaso laban sa media. Nauunawaan namin na ginagawa ninyo ang inyong trabaho, ngunit nais lang naming magpaalala na maghinay-hinay tayo. Dahil gaya ng sinabi ko, kung hindi kami, baka iba ang maapektuhan,” paliwanag ni Danao.
