Calendar
Senado inaprubahan pagsasabatas ng AICS sa pinal na pagbasa
INAPRUBAHAN ng Senado sa pinal na pagbasa ang panukalang maglalagay sa batas sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development.
Layunin ng Senate Bill No. 1966 na ilagay sa batas ang AICS program sa halip na administrative program na maaaring magbago depende sa budget, polisiya o prayoridad ng kasalukuyang liderato.
Kabilang sa mga may-akda ng panukala sina Sens. Imee Marcos, Christopher “Bong” Go, Jose “Jinggoy” Estrada, Erwin Tulfo at Joel Villanueva.
Nauna nang inilarawan ni Tulfo, isa sa mga may-akda, ang programa bilang lifeline para sa mga pamilyang nangangailangan ng tulong kapag ang sakit, pagkawala ng trabaho, kalamidad o iba pang emergency ay nagtutulak sa kanila sa pinansyal na kagipitan.
“This measure seeks to institutionalize the AICS program of the Department of Social Welfare and Development. For many Filipinos, AICS has long served as a lifeline,” sabi ni Tulfo.
Ginagabayan ang panukalang batas ng prinsipyong dapat laging handa ang gobyerno na umalalay sa mamamayan sa panahon ng matinding pangangailangan.
Sa ilalim ng panukala, ang AICS ay magbibigay ng financial, material, psychosocial at referral assistance sa kwalipikadong indibidwal at pamilyang nasa krisis.
Makatutulong ang panukala upang maging mas tuluy-tuloy ang emergency assistance at hindi gaanong nakadepende sa pagbabago ng administrative policy o leadership priorities.
Mayroon ding penalties ang panukala para sa ilang unlawful acts, kabilang ang fraudulent claims.
Saklaw ng panukalang batas ang mga indibidwal at pamilyang matutukoy na nasa crisis situation o nangangailangan ng suporta dahil sa mga pangyayaring nakaaapekto sa kanilang kalusugan, kaligtasan, kapakanan o kakayahang tugunan ang pangunahing pangangailangan.
Dapat madaling maabot ng mga pamilya ang programa kapag nahaharap sila sa agarang pangangailangan, kabilang ang mga pasyenteng nangangailangan ng medical help, mga estudyanteng nanganganib tumigil sa pag-aaral at mga pamilyang nawalan ng breadwinner, ayon sa senador.
Ayon kay Tulfo, hindi dapat maging uncertain o temporary ang tulong ng gobyerno kapag ang pamilya ay nasa gitna na ng matinding pagsubok.
Mas mapapalapit ang panukala sa pagiging batas kapag napagkasundo ng House of Representatives at Senado ang kanilang mga bersyon, kung kinakailangan, at matapos itong ipadala sa Malacañang para aksyunan.

