Tulfo

Review sa monitoring measures para sa Pinoy seafarers hiniling ni Sen. Tulfo

22 Views

HUMILING si Sen. Raffy Tulfo ng Senate review sa monitoring measures ng gobyerno para sa Filipino seafarers na nadedeploy sa high-risk maritime areas, kasunod ng mga insidente sa seguridad na kinasangkutan ng mga barkong may Pilipinong tripulante.

Inihain ni Tulfo ang Senate Resolution No. 393 upang magsagawa ng inquiry sa monitoring, coordination at compliance mechanisms ng Department of Migrant Workers at Maritime Industry Authority.

Dapat alamin sa review kung sapat ang mga safeguards sa ilalim ng Magna Carta of Filipino Seafarers at iba pang kaugnay na polisiya upang maprotektahan ang Filipino crew members habang nakasakay sa foreign at domestic vessels, sabi ng senador.

Binanggit ni Tulfo ang iniulat na drone strike noong Mayo 6 sa MV CMA CGM San Antonio malapit sa Strait of Hormuz na ikinasugat ng pitong Filipino seafarers at isang foreign crew member.

Binanggit din ni Tulfo ang hiwalay na health-related incident na kinasangkutan ng MV Hondius na may sakay na 38 Filipino seafarers.

Ayon kay Tulfo, naapektuhan ang barko ng Hantavirus case na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang infected passengers.

Sinabi ni Tulfo na dapat magbunsod ng review ang mga insidente kung paano mino-monitor ng government agencies ang mga barkong may Filipino crew members, kung paano tumutugon sa emergencies at kung paano nakikipag-coordinate sa shipowners, manning agencies at foreign authorities.

Ayon kay Tulfo, dapat tingnan sa inquiry kung nakatatanggap ang seafarers ng napapanahong babala, malinaw na safety instructions, tamang medical assistance, evacuation support at repatriation help kapag may maritime o health threats.

Nanawagan din siya ng review sa compliance systems upang matiyak na sinusunod ng manning agencies at shipowners ang kanilang safety, insurance, medical at repatriation obligations sa ilalim ng batas ng Pilipinas at international maritime standards.

Inaasahang titingnan sa proposed inquiry kung sapat ang kasalukuyang government monitoring systems para sa Filipino seafarers na nagtatrabaho sa high-risk waters at sa mga barkong apektado ng health emergencies.