Hot News

Bato inudyok na kusang sumuko ng 5 senador

33 Views

HINIMOK ng limang senador si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na kusang sumuko sa tamang awtoridad at dumulog sa hukuman para sa kanyang legal na remedyo, habang lalong umiigting ang tensiyon sa Senado kaugnay ng ulat na may arrest warrant ang International Criminal Court laban sa kanya.

Inihain nina Senators Francis “Kiko” Pangilinan, Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Panfilo “Ping” Lacson, Risa Hontiveros at Paolo Benigno “Bam” Aquino IV ang Proposed Senate Resolution No. 395.

Sa resolusyon, ipinahayag ng mga senador ang panawagan na si Dela Rosa ay “voluntarily surrender to the proper authorities and seek judicial remedies in accordance with the Constitution and applicable laws and rules.”

Iginiit ng mga senador na walang probisyon sa Konstitusyon na nagbibigay kapangyarihan sa Senado na magbigay ng sanctuary, immunity from arrest, o tinatawag na “protective custody” sa sinumang miyembro nito maliban sa malinaw na parliamentary immunities na nakasaad sa batas.

Binanggit sa resolusyon ang Article VI, Section 11 ng Konstitusyon, na nagbibigay lamang ng limitadong privilege from arrest sa mga senador at miyembro ng Kamara habang may sesyon ang Kongreso, at tanging sa mga kasong may parusang hindi lalampas sa anim na taong pagkakakulong.

Ayon pa sa resolusyon, walang nakasaad sa Konstitusyon o sa Senate rules na nagpapahintulot sa Senado na magbigay ng protective custody, institutional refuge, o immunity mula sa lawful arrest o surrender processes sa ilalim ng umiiral na batas, tratado, o international cooperation mechanisms.

Binanggit din ng mga senador ang Republic Act No. 9851, o ang Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity, na naglalagay ng hurisdiksiyon sa mga saklaw na kaso sa mga itinalagang regional trial court.

Ayon sa resolusyon, ang pagsunod sa legal na proseso at boluntaryong pagharap sa judicial authority ay magpapatibay sa mga demokratikong institusyon, sa constitutional accountability, at sa prinsipyong walang opisyal ng pamahalaan ang nakahihigit sa batas.

Inihain ang resolusyon matapos lumutang si Dela Rosa sa Senado sa gitna ng mahigpit na seguridad, mga ulat ng lockdown sa Senate compound, presensiya ni dating senator Antonio Trillanes IV, at ulat na may mga tauhan ng National Bureau of Investigation sa lugar.

Nauna nang ipinakita ni Trillanes ang umano’y ICC warrant of arrest laban kay Dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police na naging pangunahing opisyal sa anti-drug campaign ng administrasyong Duterte.

Kinuwestiyon naman ng mga kaalyado ni Dela Rosa ang mga sirkumstansiya sa likod ng iniulat na warrant at ang anumang posibleng pagtatangkang arestuhin siya sa loob ng Senado.

Gayunman, inilagay ng resolusyon ang mga senador na lumagda rito sa malinaw na posisyon laban sa paggamit ng Senado bilang kanlungan mula sa judicial o legal processes.

Tinukoy din sa resolusyon ang mga naunang pagkakataon kung saan iginalang ng Senado ang judicial at prosecutorial processes na kinasangkutan ng sariling mga miyembro at dating opisyal, kabilang ang voluntary surrender at judicial submission ng yumaong dating senator Juan Ponce Enrile, ang pagdulog sa legal remedies ni dating senator Leila de Lima, at ang judicial recourse ni Trillanes.

Muling pinagtibay ng resolusyon ang pangako ng Senado sa Konstitusyon, rule of law, at prinsipyo na ang accountability ay pantay na umiiral sa lahat ng opisyal ng pamahalaan anuman ang ranggo o posisyon.

Ipinanukala rin na bigyan ng kopya ng resolusyon ang Senate President, Supreme Court, Department of Justice, Philippine National Police, at iba pang kinauukulang ahensiya para sa kanilang impormasyon at kaukulang aksiyon.