Chinese

5 dayuhan buking sa paglabag ng visa, arestado ng BI

Jun I Legaspi May 13, 2026
90 Views

BILANG pagtugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang seguridad sa hangganan at sugpuin ang ilegal na pagtatrabaho ng mga dayuhan, inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang limang banyagang indibidwal sa isinagawang operasyon sa Lungsod ng Pasay ngayong linggo.

Isinagawa ang operasyon noong hapon ng Mayo 5 sa isang casino sa Newport area, kung saan natuklasan ng mga intelligence officer ng BI ang ilang dayuhan na umano’y sangkot sa mga aktibidad na labag sa kondisyon ng kanilang visa.

Kabilang sa mga inaresto ang isang 51-taong gulang na Chinese national na natuklasang overstaying at umano’y nagtatrabaho nang walang tamang visa. Kasama ring dinala sa kustodiya ang isa pang Chinese national, isang Malaysian, isang Taiwanese, at isang Korean matapos mabunyag ang mga paglabag gaya ng walang awtorisadong trabaho, overstaying, at pagtatrabaho sa mga kompanyang hindi nakasaad sa kanilang visa sponsors.

Ayon sa BI, isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon ukol sa posibleng paglabag sa imigrasyon sa naturang establisyimento. Nakipag-ugnayan muna ang ahensya sa lokal na pulisya bago ipinatupad ang operasyon.

Ang limang dayuhan ay inilipat sa Bureau of Immigration Warden Facility sa Taguig City para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso sa imigrasyon.

Binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na nananatiling masigasig ang ahensya sa pagtugis sa mga banyagang lumalabag sa kondisyon ng kanilang pananatili sa bansa.

“Malinaw ang aming mensahe: ang mga dayuhang lalabag sa kondisyon ng kanilang visa ay aarestuhin at ipapaalis sa bansa. Magpapatuloy ang ganitong operasyon sa iba’t ibang panig ng Pilipinas,” ani Viado.