Calendar
Sandro Marcos naghain ng panukala para magtatag ng mental health voucher system
ISINULONG ni House Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos ang panukalang batas na naglalayong magtatatag ng Mental Health Voucher System sa ilalim ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ito ay upang matulungan, ayon kay Marcos, ang mga Pilipinong mababa at panggitna ang kita na magkaroon ng access sa konsultasyon, therapy, gamot, at iba pang serbisyong pangkalusugang pangkaisipan nang hindi hinahadlangan ng mataas na gastusin.
Layunin din ng panukalang Mental Health Voucher Act, paliwanag pa ng mambabatas, na gawing aktuwal at abot-kayang serbisyo para sa ordinaryong pamilya ang mental health care alinsunod sa adbokasiya ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. para sa mas madaling maabot na serbisyong pangkalusugan at sa pangako ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na magsulong ng mga batas na tumutugon sa araw-araw na pasanin ng mga pamilyang Pilipino.
“Hindi dapat maging pribilehiyo lamang ng mga kayang magbayad mula sa sariling bulsa ang mental health care,” ani Marcos.
Ayon sa House Majority Leader, “sa ilalim ng pamumuno nina Pangulong Marcos Jr. at Speaker Dy, nais nating magkaroon ng sistemang nagbibigay pagkakataon sa isang estudyanteng nahihirapan, magulang na dumaranas ng matinding pressure, o manggagawang tahimik na nagdadala ng anxiety o depresyon na makahingi ng tulong bago pa lumala at maging hindi na kayanin ang kanilang pinagdaraanan”.
Layunin din ng House Bill (HB) No. 9327 na palawakin ang mental health coverage sa ilalim ng PhilHealth sa pamamagitan ng paglikha ng voucher system na magbibigay sa mga kwalipikadong miyembro ng PhilHealth at kanilang mga dependent ng paunang aprubadong subsidiya para sa mental health services at mga gamot.
Pinalalakas nito ang Republic Act (RA) No. 11036 o Mental Health Act sa pamamagitan ng paglikha ng direktang mekanismo ng pagpopondo para sa paggamot, lalo na para sa mga Pilipinong naaantala, napuputol, o hindi naisasagawa ang gamutan dahil sa mataas na halaga ng konsultasyon, therapy, at mga gamot.
Sa ilalim ng panukalang Mental Health Voucher System, maglalabas ang PhilHealth ng hindi maaaring ipasa sa iba na mental health vouchers para sa mga kwalipikadong benepisyaryo. Ang bawat voucher ay magsisilbing paunang aprubadong subsidiya na maaari lamang gamitin para sa mga saklaw na serbisyo mula sa mga accredited mental health providers.
Kabilang sa mga kwalipikadong benepisyaryo ang mga rehistradong miyembro ng PhilHealth at kanilang mga dependent na clinically diagnosed ng lisensyadong doktor na may mental health condition.
Inaatasan din ng panukalang batas ang pagkakaroon ng mental health assessment certificate na ibibigay ng psychiatrist na kaakibat ng isang accredited government hospital sa ilalim ng Department of Health. Nakasaad dito ang diagnosis, inirerekomendang treatment plan, kinakailangang serbisyo, at mga iniresetang gamot.

