Calendar
Kelot ginilitan, pinagsasaksak ng kumpare habang naja-Live stream

GINILITAN sa leeg at tinadtad ng saksak ng 34-anyos na tambay ang kanyang kumpare na noon ay naglalaba habang nagla-live stream sa kanyang Facebook gamit ang kanyang cellular phone noong Huwebes ng hapon sa Paranaque City.
Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Uni-Health Paranaque Hospital and Medical Center ang biktimang si alyas “Tata”, 45, samantalang mabilis na tumakas ang suspek na si alyas “Omay” na kapitbahay din ng biktima sa Brgy. San Isidro sa naturang lungsod.
Sa ulat na ipinarating ni Paranaque police chief P/Col. Nicolas Pinon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco, nangyari ang insidente dakong alas-2:30 ng hapon sa eskinita ng Silverio Compound sa naturang barangay kung saan nakita pa sa kuha ng cellular phone ang panlalaban ng biktima .
Lumabas sa imbestigasyon na may matagal ng alitan ang magkumpare na nagsimula pa noong Disyembre 31, 2023, na lumala pa sa patuloy umanong pangungutya at panlalait ng biktima sa suspek.
Matapos ang insidente, nagsagawa kaagad ng hot pursuit operation ang pinagsanib na puwersa ng San Dionisio Police Sub-Station, Investigation Section, at Intelligence Section, na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek noong Lunes ng alas-9:00 ng gabi sa Barangay Singkamas, Makati City.
Nakatakdang iprisinta para sa inquest proceedings ng mga pulis ang suspek sa Paranaque City Prosecutor’s Office para sa kakaharapin niyang kasong murder.

