Calendar
Majority nakikisama lang kay SP?
UMAPELA nitong Martes si Senador Panfilo “Ping” Lacson sa mga senador ng mayorya na dumalo sa huling araw ng sesyon ng Senado, kasabay ng pagsabing tungkulin nilang pumasok sa kabila ng alitan sa liderato ni Senate President Alan Peter Cayetano.
Ginawa ni Lacson ang panawagan matapos hingin ng minority bloc ang pagbibitiw ni Cayetano kasunod ng hindi pagdalo ng mga senador ng mayorya sa sesyon sa ikalawang sunod na araw.
“We appeal to the rest of the majority bloc. Huwag na si Senate President kasi mukhang untenable na si SP kasi siya yung nagsasabi sa mga kasamahan namin na huwag mag-attend ng session. So we now appeal to the rest of the members of the majority bloc. We appeal to their sense of duty, na sana mag attend sila ng session bukas,” ani Lacson nang humarap sa media ang minority bloc nitong Martes ng hapon.
Ayon kay Lacson, hindi na maipagtanggol ang posisyon ni Cayetano, batay sa impormasyong umano’y nakarating sa mga senador ng minorya na inutusan ng Senate President ang mga kasamahan nitong huwag dumalo sa sesyon.
“Ang pinoprotektahan lang yung Senate Presidency. Power. Position. Kaya nag-a-appeal kami sa kasamahan namin sa majority bloc. Ano bang prize para sa inyo? Sa tingin namin wala eh.
Ang tingin namin nakikisama lang sila kay Senate President Cayetano,” aniya.
Nauna nang sinabi ng minority bloc na dapat bumaba sa puwesto si Cayetano matapos hindi makapagpatuloy ang sesyon ng Senado dahil sa hindi pagdalo ng mayorya sa ikalawang sunod na araw.
Ayon sa minority bloc, nilabag nito ang Rule XIV, Section 41 ng Rules of the Senate, na nagpapahintulot sa Senate President na ipagpaliban ang sesyon matapos lamang ang konsultasyon sa Majority Leader at Minority Leader.
Nakasaad din sa naturang tuntunin na magpupulong ang Senado tuwing alas-3 ng hapon sa mga araw ng pasok, maliban na lamang kung iba ang pasya ng Senado. Pinapayagan din nito ang pagdaraos ng sesyon sa pamamagitan ng teleconference, video conference, o iba pang mapagkakatiwalaang electronic means dahil sa force majeure o national emergency, kung ito ay pagpapasyahan ng mayorya ng lahat ng senador.
Tinawag ng minority bloc ang umano’y hindi pagsunod sa naturang tuntunin na “a direct violation of the Rules of the Senate and a serious disrespect for the institution and the Filipino people.”
Sinabi rin ng minority bloc na dapat magbitiw si Cayetano dahil “he has shown that he cannot function as the leader of the Senate anymore.”
Sinabi ni Lacson na dadalo pa rin sa session hall ang mga senador ng minorya sa Miyerkules.
“We’ll be here because that’s our duty,” aniya.
Naganap ang panibagong banggaan sa Senado matapos mahati ang mga senador sa panukalang amyendahan ang rules sa remote participation, na tinutulan ng minority senators dahil sa kuwestiyon sa timing at proseso ng hakbang.
Nahalal si Cayetano bilang Senate President noong Mayo 11, kapalit ni dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III.

