Lawyer

Public interest lawyer, kinondena prejudgment ng Ombudsman kay Romualdez

39 Views

ISANG public interest lawyer ang bumatikos kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla dahil sa diumano’y prejudgment sa dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kaugnay ng kontrobersiya sa anomalya sa flood control projects.

Sa isang panayam sa radyo sa dzMM, sinabi ni Atty. Antonio Zoleta Bucoy na paulit-ulit na tinag ni Remulla ang dating lider ng Kamara bilang mastermind ng flood control scam kahit wala pang preliminary investigation at walang ipinakitang ebidensya.

“Iisa ho ang nagpapalutang dyan eh, si Ombudsman Remulla na mula’t sapul ay binansagan na niya si Speaker Romualdez na mastermind,” ani Bucoy.

Aniya, walang batayan ang alegasyon ng Ombudsman.

“Ang tanong ho, ano ang kanyang batayan, okay? Panglawa, nagkaroon na ba ng preliminary investigation? Dahil ho wala hong lumalabas na mga balita na nagkaroon na ng preliminary investigation,” dagdag niya.

Idinagdag niya na dapat nakabase sa pagsusuri ng reklamo at sagot ng akusado ang pahayag ni Remulla.

“Babansagan mo ang isang tao na mastermind kung iyo nang nabalangkas at nasuri mo na ‘yung magkabilang panig, ‘yung reklamo pati ‘yung kasagutan,” diin niya.

Pinaalala ni Bucoy na hindi pa nararating ang proseso sa ganitong yugto.

“Ang pagkakaalam ko, correct me if I’m mistaken, eh hindi pa umaabot sa ganoong estado,” ani Bucoy.

Aniya, ayon sa mga desisyon ng Korte Suprema, ang pahayag ng konklusyon ay dapat nakabase sa ebidensya at patas na proseso ng imbestigasyon.

“Nabanggit ko sabi ng Supreme Court…hindi ho ‘yan agad-agad na maaaring dahilan para bansagan ang isa na co-conspirator o kasabwat,” ani Bucoy.

“Dapat ito ay base sa credible, matibay at kapani-paniwalang ebidensya. At kinakailangan pakinggan mo muna ‘yung panig nung nasasakdal. Eh sa ngayon wala pa ako nababalita except kung mayroon na pero wala ho eh,” dagdag niya.

Tinukoy ni Bucoy ang motibo ni Remulla sa pagsasabing mastermind si Romualdez, at iginiit na puro sensationalism at drama lamang ito.

“Bakit nagkaroon na ng mastermind? Ano po ang motibo nito? Ang nakikita ko dito ay sine-sensationalize. Nagiging puro dula at drama ang nagiging actuation ng ating Ombudsman.

Pinapakita niya ang kanyang prejudgment, ang kanyang pagkiling,” ani Bucoy.

Aniya, ipinapakita rin ng paulit-ulit na alegasyon ni Remulla na may “preset conviction” siya.

“Pinapakita niya na meron siyang pre-set conviction. Sinasabi niya ito ang mastermind, wala pa nga hong proseso. So dapat ho ang Ombudsman wag na siyang mag press conference na sinasabi na niya na eto yung mastermind,” diin niya.

Binanggit din niya na sa isang panayam sa media, sinabi ni Remulla na nakabase ang kanyang alegasyon sa pagtatalaga kay dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co bilang chairman ng House Committee on Appropriations.

“Ang batayan na sinasabi sa isang interview niya dahil siya ang Speaker of the House noon at tao niya si Zaldy Co,” ani Bucoy.

Ngunit ayon sa kanya, wala namang “predicate action” mula kay Romualdez para patunayan ang alegasyon ni Remulla na ang kongresista mula Leyte ay mastermind ng flood control scam.

“Ang problema sa ganyan, ayon sa mga decided case, yun ang pagbabansag na ikaw ay co-conspirator, na ikaw ay mastermind, e dapat ho merong mga hayagan o tahasan na pagkilos o isa man lang na predicate action—meron kang tahasan na aksyon na nagtuturo sa iyo na ikaw ay kasabwat. E wala pa, wala pa lumalabas sa ganyan,” ani Bucoy.

“So saan nanggaling ang kanyang pagbansag na mastermind ang dating Speaker si Martin Romaldez?” tanong niya.

Nilinaw niya na hindi niya ipinagtatanggol ang dating lider ng Kamara.

“Hindi ko siya pinagtatanggol. Ako ho bilang public interest lawyer, tinitingnan ko lang from a distance–ano ba ang patas, ano ho ‘yung principles of fair play na inoobserbahan ng ombudsman? Sa ngayon ho nakikita ko puro pagkiling eh,” ani Bucoy.