Calendar
Pahayag ni Cayeteno na siya pa rin mamumuno ng trial ni VP Sara tinawag na pathetic
TINANGGIHAN ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang pahayag ni dating Senate President Alan Peter Cayetano na siya ang dapat mamuno sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, kasabay ng pagsasabing kinilala na ng ilang institusyon at legal experts ang pagbabago sa liderato ng Senado noong Hunyo 3.
Sinabi ni Lacson na taliwas sa aksyon ng 12 senador ang paggigiit ni Cayetano na siya ang dapat maging presiding officer, matapos ideklara ng grupo na bakante ang mga posisyon sa Senado at ihalal si Senador Sherwin Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at Acting Senate President.
“He is pathetic. I do not know why he is acting weirdly lately. He is so detached from reality. For a change, he should listen to reason as expressed independently by the following who have validated the action taken by 12 of his colleagues last Wednesday,” sabi ni Lacson.
Ayon kay Lacson, kinilala ang leadership change ng Executive Branch, House of Representatives, retiradong Supreme Court Justice at 1987 Constitutional Commission delegate Adolf Azcuna, dating Senate President Franklin Drilon at iba pang dating lider ng Senado.
Sinabi rin niyang kinilala ito ng Integrated Bar of the Philippines, mga dean ng law schools, mga propesor ng batas at political theorists.
Nanindigan naman si Cayetano na nananatili siyang Senate President at sinabi niyang siya ang mamumuno sa impeachment trial ng Bise Presidente. Tinawag din niya ang June 3 leadership action laban sa kanya na isang “patently illegal maneuver,” habang sinasabing ang hindi pagdalo ng kanyang bloc sa mga nakaraang plenary session ay parliamentary response sa mga hakbang ng kabilang grupo.
Naganap ang pagbabago sa liderato noong Hunyo 3 matapos sumama si Senador Francis “Chiz” Escudero sa 11 miyembro ng noo’y minority bloc sa sesyon. Gamit ang desisyon ng Korte Suprema sa Avelino v. Cuenco, idineklara ng grupo na bakante ang lahat ng posisyon at inihalal si Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at Acting Senate President.
Umabot na rin sa impeachment process ang sigalot matapos amyendahan ng Senado ang impeachment rules sa pamamagitan ng Senate Resolution 430.
Sa ilalim ng amyendadong patakaran na binanggit ni Lacson, ang Senate President ang mamumuno sa impeachment trial maliban kung maghalal ang Senado, sa pamamagitan ng mayoryang boto, ng ibang senador bilang presiding officer.
Nagbibigay ang amyenda ng proseso para makapili ang Senado ng presiding officer kahit hindi pa nareresolba ang sigalot sa liderato. Nangangahulugan din ito na sa impeachment trial na kinasasangkutan ng Bise Presidente, hindi kailangang ang Senate President ang mamuno kung maghahalal ang mayorya ng Senado ng ibang senador para sa tungkulin.
Binanggit din ni Lacson ang Avelino precedent sa pagsasabing maaaring dalhin ni Cayetano sa Korte Suprema ang isyu sa liderato kung kinukuwestiyon niya ang aksyon noong Hunyo 3.
Sa hiwalay na pahayag, ikinumpara ni Lacson ang kasalukuyang sigalot sa liderato sa 1949 dispute nina dating Senate President Jose Avelino at Mariano Cuenco, at binanggit na dinala ni Avelino sa Korte Suprema ang usapin upang maresolba ang leadership row sa Senado.
Inaasahang magpapatuloy ang sigalot habang naghahanda ang Senado sa susunod na yugto ng impeachment process at nananatili ang tanong kung aling liderato ng Senado ang may kontrol sa proceedings, committee actions at impeachment court.

