Bajo

Estrada humiling ng matinding surveillance sa Bajo de Masinloc

108 Views

NANAWAGAN si Sen. Jose “Jinggoy” Estrada ng mahigpit na aerial at maritime surveillance sa Bajo de Masinloc matapos ihayag ng Armed Forces of the Philippines na may natagpuang istruktura sa loob ng lagoon ng shoal.

Sinabi ni Estrada na ang pagkakatuklas sa istruktura isang “matter of serious concern” at dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan, lalo na kung mapapatunayang nakasasama ang presensya at mga aktibidad nito sa maritime entitlements at sovereign rights ng bansa.

“Sa ilalim ng international law at ng 2016 Arbitral Ruling, malinaw na kinilala ang mga karapatan ng Pilipinas sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal. Hindi natin dapat hayaang malabag o maisantabi ang mga karapatang ito. Atin ito,” sabi ni Estrada.

Ayon sa senador, kailangang matukoy ng mga awtoridad ang tunay na layunin ng nasabing istruktura at kung sino ang nasa likod nito.

Kinuwestiyon din ni Estrada kung paano nakapasok at nakapuwesto ang istruktura sa lugar nang hindi agad natutukoy.

“Nakapagtataka lamang kung paano nakapasok at nakapuwesto ang naturang istruktura nang hindi agad natutukoy,” sabi niya.

Hinimok ni Estrada ang AFP at Philippine Coast Guard na manatiling mapagmatyag at lalo pang palakasin ang kanilang presensya sa lugar.

“Dapat nating tiyakin na walang aktibidad na isinasagawa na maaaring makapinsala sa ating mga lehitimong karapatan at interes sa Bajo de Masinloc,” aniya.

Anumang tangkang pumasok o magtatag ng permanenteng o semi-permanenteng presensya sa maritime zones ng bansa ay dapat aksyunan ng mabilis, ayon kay Sen. Estrada.

“We must remain steadfast in protecting our sovereign rights in the West Philippine Sea while continuing to pursue peaceful, lawful, and rules-based measures consistent with international law,” sabi ni Estrada.