Calendar
Adiong: Dapat ilantad ng depensa si ‘Mary Grace Piatos’
KAILANGANG maagang ihayag ng kampo ng depensa ni Bise Presidente Sara Z. Duterte ang pagkakakilanlan ni “Mary Grace Piatos” kung balak nila itong iharap bilang testigo sa impeachment trial, ayon kay House trial spokesperson at kinatawan ng Lanao del Sur na si Zia Alonto Adiong noong Miyerkules.
Ginawa ni Alonto Adiong ang pahayag sa isang panayam sa Memo ng Bilyonaryo News Channel habang naghahanda ang impeachment court para sa pre-trial conference sa Hunyo 18, kung saan inaasahang ilalatag ng magkabilang panig ang kanilang mga ebidensya, mga testigo, at iba pang magiging tuntunin ng paglilitis bago ito pormal na magsimula.
“Sa House prosecution team, handa naman i-submit kasi ‘yan ‘yung markings of evidence, pati na rin ‘yung pag-submit ng magiging potential na mga witnesses. We expect also na may mga objection from the other side,” ani Alonto Adiong.
Sa yugto ng pre-trial, pagdedesisyunan kung paano hahawakan ng impeachment court ang pagsisiwalat ng mga testigo, pagmamarka ng mga dokumentaryong ebidensya, at mga posibleng pagtutol bago ang aktuwal na presentasyon ng ebidensya sa paglilitis.
“So basically, ilalatag dyan kung ano ‘yung magiging general flow ng trial. Parang ‘yun ang pagkakasulat doon sa notice ng korte,” paliwanag niya.
Ang usapin tungkol kay Piatos ay kaugnay ng kontrobersiya sa confidential funds, kung saan dati nang kinuwestiyon ng mga mambabatas ang mga pangalan at acknowledgment receipts na umano’y ginamit sa liquidation documents.
“Kasi kung meron talaga silang ilalabas doon na Mary Grace Piatos, it would be better for them. Para at least, kasi we’re looking for clarity naman din,” dagdag ni Alonto Adiong.
Ayon sa kanya, mula pa lamang sa mga pagdinig sa Kamara ay malinaw na ang layunin ng prosekusyon ay mabigyan ng pagkakataon ang depensa na sagutin ang mga alegasyon sa tamang forum.
“In fact, ang House prosecution team from the very beginning, during the confirmation hearing, sinasabi naman natin there’s no judgment here. So, in fact, yung sinasabi natin na there’s an established probable cause para ‘yung mga allegation na ito ay ma-counter ng depensa,” diin niya.
Kung may taong haharap at magpapakilalang si Piatos, sinabi ni Alonto Adiong na kailangang maipaliwanag ng depensa ang lagda na makikita sa mga dokumentong may kaugnayan sa confidential funds.
“Pero kung meron silang maipro-produce na Mary Grace Piatos, much better for the public din, ‘di ba? Pero dapat ang ano doon, ‘yung Mary Grace Piatos na lalabas doon, dapat ‘yung pirma niya, eksaktong ‘yung pirma niya doon sa confidential files, ‘yung acknowledgement receipt,” aniya.
Binanggit din niya ang kaso ni Kokoy Villamin, isa pang pangalang lumitaw sa mga acknowledgment receipt, bilang halimbawa kung bakit maaaring kailanganin ang masusing forensic examination sa paglilitis.
“Pero problema kay Kokoy Villamin, dalawa kasi ‘yung acknowledgement receipt na pinirmahan niya, magkaiba ‘yung pirma. Pero pareho ng pangalan,” sabi ni Alonto Adiong.
Ayon pa sa kanya, maaaring suriin ng impeachment court ang mga lagda at iba pang sumusuportang dokumento kung aasa ang depensa sa mga taong ang mga pangalan ay nakalista sa mga rekord ng confidential funds.
“So, mahirap ‘yun mag-produce ng witness na magsasabi ako si Kokoy Villamin kasi of course, nandun din yung mga experts para forensically to test ‘yung specimen ng pirma,” paliwanag niya.
Samantala, patuloy na inihahanda ng House prosecution panel ang kanilang mga ebidensya at testigo para sa nalalapit na pre-trial conference.

