Bitrics1

Buong House prosecution team dadalo sa Hunyo 18 pre-trial ng kaso laban kay VP Sara

35 Views

DADALO ang lahat ng 11 miyembro ng House prosecution panel, kasama ang unang grupo ng 10 pribadong abogado na tumutulong sa kanila, sa pre-trial conference sa Hunyo 18 kaugnay ng impeachment case laban kay Pangalawang Pangulong Sara Z. Duterte, ayon kay Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, lead prosecutor at chairperson ng House Committee on Justice, nitong Lunes.

Sa isang press briefing bago ang pagsusumite ng pre-trial brief ng prosekusyon, sinabi ni Luistro na naroroon ang buong prosecution team sa unang pormal na pagdinig sa harap ng Senate impeachment court.

“Siyempre, inaasahan natin na sa Hunyo 18, ang 11 prosecutors, kasama ang 10 private prosecutors na ipinakilala noong nakaraang press conference, ay dadalo sa impeachment court,” ani Luistro.

Ang House prosecution panel ay binubuo rin nina Reps. Terry Ridon (Bicol Saro Party-list), Ramon Rodrigo “Rodge” Gutierrez (1-Rider Party-list), Ysabel Maria Zamora (San Juan City), Lorenz Defensor (Iloilo, 3rd District), Jose Manuel “Chel” Diokno (Akbayan Party-list), Leila de Lima (Mamamayang Liberal Party-list), Arlene “Kaka” Bag-ao (Dinagat Islands), Jonathan Keith Flores (Bukidnon, 2nd District), Lordan Suan (Cagayan de Oro, 1st District), at Joel Chua (Manila, 3rd District).

Makakasama rin nila ang 10 pribadong abogado mula sa PECABAR Law, Kapunan and Castillo Law Offices, at Sapayan Lim Alvarez & Ligutan (SALiGAL) Law, na pumayag tumulong sa House prosecution panel nang walang bayad o pro bono.

Kabilang sa mga abogado sina Marforth Fua, James Bryan Ibrahim Alih, Erwin Matib at Justine Anne Lamarca ng PECABAR Law; Lorna Kapunan, Sonya Margarita Renemerito-Castillo, Deanne Melissa Lorenzo-Singian, Bettina Zamora at Lino Chris Kapunan ng Kapunan and Castillo Law Offices; at Amando Virgil Ligutan ng SALiGAL Law.

Ang pre-trial conference ay pangungunahan ni Senate Secretary Renato Bantug Jr., na nagsisilbing clerk ng impeachment court.

Ayon kay Luistro, tatalakayin sa pagpupulong ang mahahalagang usaping procedural bago ang pagsisimula ng paglilitis sa Hulyo 6, kabilang ang mga tuntunin sa pagtatanong sa mga saksi at iba pang mga bagay na maaaring makaapekto sa presentasyon ng ebidensya.

Inaasahan ding pormal na ihaharap ng Kamara ang nilalaman ng pre-trial brief nito, kabilang ang mga mungkahing pinagkasunduang katotohanan, listahan ng mga saksi, at mga dokumentaryong ebidensya.

Ibinunyag ni Luistro na balak ng prosekusyon na magharap ng mahigit 30 saksi at malawak na dokumentaryong ebidensya, lalo na kaugnay ng mga alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds at hindi maipaliwanag na yaman.

Ang kumperensiya sa Hunyo 18 ang magiging unang pagharap ng buong prosecution team sa impeachment court at inaasahang magtatakda ng mga tuntuning susundin sa aktuwal na paglilitis.

Nakatakdang pormal na magsimula ang impeachment trial sa Hulyo 6.